📷 Koalisyong Makabayan senatorial candidate Teddy Casiño
BINUWELTAHAN ni Koalisyong Makabayan senatorial candidate Teddy Casiño ang tila pagmamaliit ni dating Sen. Bam Aquino sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang ambush interview kahapon, sinabi ni Aquino na ang impeachment complaints laban kay Duterte ay “isyu sa mga politiko” at hindi pangunahing alalahanin ng mga ordinaryong Pilipino.
Giit ni Casiño hindi marapat ang pahayag ni Aquino dahil ang impeachment ay usapin ng pananagutan ni Duterte sa paglulustay sa pera ng bayan at iba pang atraso kaya ito’y isyu ng mamamayan.
“Huwag naman ganyan. Ang isyu ng pananagutan ni VP Duterte sa pagwaldas ng kabang yaman at iba pang kasalanan ay isyu ng mamamayan,” sabi ni Casiño
“Maaring sumasakay lang ang ilang pulitiko pero isyu siyang dapat harapin ng mga naghahangad ng mabuting pamamahala,” giit ng Koalisyong Makabayan senatorial bet.
Sa botong 215 ay na-impeach si Duterte sa Mababang Kapulungan bunsod ng “threats to president, confidential funds, bribery in DepEd, role in EJKs, hidden wealth, destabilization and totality of actions.” (ROSE NOVENARIO)