MAY mga kandidato umano mula sa ‘Alyansa Para sa Bagong Pilipinas’ (APBP) ng administrasyong Marcos Jr. ang nagalit nang malaman na ‘ilalaglag’ daw ang ilan sa kanila ni Sen. Cynthia Villar sa darating na May midterm elections.
Kasunod ng kick-off rally ng APBP sa Laoag City, Ilocos Norte nitong Martes, isiniwalat sa Balitang Klik ng isang kandidato na lima hanggang anim sa kanila ang hindi isasama sa mga ie-endorso ng mga Villar.
Ayon sa senatorial candidate na tumangging magpabanggit ng pangalan, ang iiwan ni Villar sa kasamahan ng anak niya na si Camille Villar-Genuino sa koalisyon ay si broadcaster Erwin Tulfo, sina dating senador Panfilo Lacson at Manny Pacquiao, dating Interior Secretary Benhur Abalos, at Makati City Mayor Abby Binay.
Dahil sa malapit ang pamilya Villar kay dating Presidente Rodrigo Duterte at kay Vice Presidente Sara Duterte ang mga ipapalit umano sa lineup ng senadora ay sina senators Ronald de la Rosa at Bong Go, ang detenidong si Pastor Apollo Quiboloy, Rep. Rodante Marcoleta, dating Executive Secretary Vic Rodriguez at ang artista na si Philip Salvador.
Una nang tinawag ni De la Rosa bilang ‘Duterte senators’ ang walong senator, kasama siya, sina Go, Imee Marcos, Francis Tolentino, Robin Padilla, Bong Revilla, at mag-inang Villar na sina Cynthia at Mark na nagtangkang lumaban kay Sen. Migz Zubiri sa pagka-Senate president na sa huli ay si Zubiri ang naluklok.
Matatandaan inihain ni Sen. Risa Hontiveros ang contempt resolution laban kay Quiboloy hanggang sa mag-issue ang committee ng warrant of arrest laban sa kontrobersyal na pinuno ng Kingdon of Jesus Christ na si Quiboloy noong Marso 2014.
Apat na Senador na ang pumirma sa sulat na naglalayong humarang sa pagpapaaresto ng Senado kay Quiboloy kabilang sina Padilla, Go, Marcos, at Villar.
Para kay Villar, mabait daw kasi si Quiboloy sa kanilang pamilya kaya medyo hindi raw siya naniniwala sa mga kasong isinampa laban sa KOJC founder.
Kasalukuyang nakakulong si Quiboloy sa Pasig jail kaugnay sa mga kasong sexual, physical, at labor abuses na inihain laban sa kanya ng ilang mga empleyado.
Itinuturing rin na ‘most wanted’ si Quiboloy ng United States Federal Bureau of Investigation (FBI) nang masangkot ang KOJC leader sa mga kaso ng child trafficking, sex trafficking, bulk cash smuggling at iba pang criminal cases.
Sinabi ng APBP senatorial candidate, ang pagkampi ng pamilya Villar sa kanya ay nagpapakita na itatapon sa basura ang ibang kamasahan nila at papalitan ng mga “Duterte senators.
Magugunitang ibinunyag ni dating pangulong Rodrigo Duterte na si dating Senate president Manny Villar ay nagdala ng isang bayong na pera para makombinse lamang siyang tumakbo bilang pangulo noong 2016.
Ayon sa senatorial candidate ng APBP, kung sakali na mangyari ang masamang balak ng pamilya Villar laban sa kanila ay mapipilitan din silang hindi i-endorso sa mga kaalyado nilang grupo at asosasyon si Rep. Villar-Genuino.
“Matagal ng ramdam namin na ietsapwera kami ng pamilya Villar pero nahiya lang kaming isumbong kay Presidente Marcos si Sen. Villar at baka maagang magkawatwatak ang APBP,” paliwanang ng kandidato.
Naging kontrobersiyal din ang mga pahayag ni Sen. Cynthia matapos kampihan si VP Sara at pinagsabihan nito si First Lady Liza Araneta Marcos na hindi siya makikipag-away kaninoman kung ang kanyang asawa ay isang presidente.
“Kung ako ang asawa ng Presidente, I will do everything para maging successful yung aking asawa. Hindi na ako makikipag-away. Huwag na mag-away,” ani Villar sa isang media interview noong April 24, 2024.
Sa unang araw pa lang ng APBP rally ay binanatan ni Marcos Jr. ang mga kandidato sa pagka-senador ng oposisyon .
Tahasang ipinagmalaki ng Pangulo na wala sa mga kandidato ng administrasyon ang may bahid ng dugo dahil sa extrajudicial killins, nagbulsa sa pera ng bayan at nagpanggap na propeta subalit nambibiktima ng mga bata at kababaihan.
Wala rin anya sa mga kandidato ng APBP ang pumapalakpak habang binobomba at inaabuso ng China ang mga Filipino na mangingisda sa West Philippine Sea.
Si re-electionist Sen. De la Rosa ay dawit sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa madugong Duterte drug war habang nahaharap naman sa kasong sexual abuse, child sex trafficking at iba pang asunto ang spiritual adviser ni Duterte at senatorial candidate na si Quiboloy, parehong kandidato ng oposisyon.
Ang tanong ng ilang political observers, paano idedepensa ni Sen. Cynthia ang kanyang mga manok na sina dela Rosa at Quiboloy matapos silang banatan ng Pangulo? (ZIA LUNA)