MAGSASAGAWA ng inspeksyon ang Bureau of Plant Industry (BPI) sa mga bodega ng sibuyas upang malaman kung may nagaganap na hoarding kaya tumaas na naman ang presyo nito.
Iniulat ng Department of Agriculture (DA) nitong weekend na ibinebenta ang pulang sibuyas sa halagang P140 – P240 kada kilo habang ang puting sibuyas ay ibinebenta sa halagang P90 hanggang P150 kada kilo, batay na rin sa pag-iikot ng Bantay Presyo team nito sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Ayon sa BPI, nais nilang alamin kung itinatago ang mga bagong-aning sibuyas imbes dalhin sa mga palengke.
Aabot sa loob ng apat hanggang pitong araw ang serye ng inspeksyon ng BPI.
Tiniyak ng BPI na sasampahan ng kaso ang sinomang matutukoy na nagtatago ng sibuyas para manipulahin ang presyo.
Batay sa pagtaya ng DA, dapat ay mayroon nang mga bagong-aning sibuyas sa merkado dahil ang anihan ay nakatakda tuwing Pebrero at Marso.
Nag-uumpisa lamang ang pag-imbak sa mga inaning sibuyas sa gitna o huling bahagi ng season.
Matatandaan noong 2023 ay umabot pa sa halos P800 kada kilo ng sibuyas. (ZIA LUNA)