BINAWI ng Malacanang ang inilabas na press release ng Presidential Communications Office (PCO)kaugnay sa pagkombinse ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa tatlong bansa na lumagda sa kasunduan hinggil sa nuclear test ban.
Sa abiso sa mga mamamahayag na ipinadala ng PCO sa e-mail ay nakasaad, “ Please be advise that the press release ‘PBBM to convince 3 countries to sign nuclear test ban accord” issued this morning, March 19 at 7:49 AM, is being recalled.
Thank you for your cooperation.”
Wala na sa website ng PCO, maging sa attached agencies nito ang nasabing ulat.
Batay sa press release ng PCO na naglaho, gagawin ni Marcos Jr. ang lahat upang himukin ang mga bansang Tonga, Bhutan at Nepal na lumagda sa Comprehensive Nuclear-Test-Ban Treaty, na nagbabawal sa lahat ng nuclear weapon test explosions kasama ang sanctions laban sa mga bansa na lalabag sa mga nakasaad dito.
“We’ll do our best. We are familiar with the process,” sabi ni Marcos Jr. kay Robert Floyd, executive secretary ng Comprehensive Nuclear-Test-Ban Treaty Organization, nang mag-courtesy call sa kanya sa Malacañang noong Martes, Marso 18.
Ayon sa PCO news release, tinukoy ni Floyd ang Tonga bilang “the last South Pacific country to sign and ratify the treaty.”
Habang ang Nepal ay may kinakaharap na mga hamon sa legislative processes nito.
“They just haven’t managed to get the ratification process through the Parliament yet.One of the difficulties is they keep changing their leaders, so it’s hard to get the process completed.”
Sinabi pa sa PCO press release, kinikila ng Pilipinas ang “critical role of the CTBT as a key confidence-building mechanism to promote cooperation among states and to resolve regional and global security issues.”
Ang global anti-nuclear test treaty ay ipinasa sa United Nations General Assembly noong 1996.
May 178 bansa ang nagratipika nito kasama ang Pilipinas noong 2001.
Hindi pa naipatutupad ang treaty dahil kailangan ratipikahan ito ng 44 espesipikong bansa na nagmamay-ari ng nuclear research at power reactors.
Siyam sa mga bansang hindi pa ito niraratipika ito ay ang China, North Korea, Egypt, India, Iran, Israel, Pakistan, Russia at US.
Itinuturing ng US ang Pilipinas bilang “oldest treaty ally in Asia.”
Aktibo ang Pilipinas sa adbokasiyang ipatupad ang treaty at universal ratification nito at sa katunayan ay kasama sa verification system ng treaty at nagsisilbing host sa tatlong International Monitoring System stations sa Tanay, Tagaytay at Davao, bahagi ng global network na nagmo-monitor ng nuclear explosions sa buong mundo.
Ikalawang beses na ang pagkakamali ng PCO sa press release mula maupo si Jay Ruiz bilang kalihim ng kagawaran noong 24 Pebrero 2025.
Matatandaan na noong 25 Pebrero 2025 ay nagkamali rin ang PCO sa inilabas na press release hinggil sa umano’y paglipat ng US-based Amkor Technology ng manufactured products sa Pilipinas mula sa China.
Binago ng PCO ang ulat matapos umano’y umalma ang Amkor at inilagay na pagpapalawak ng operasyon ang mithiin ng kompanya sa Pilipinas sa halip na “relocation” na nakasaad sa unang kalatas ng Palasyo. (ROSE NOVENARIO)