Sun. Nov 24th, 2024
NTC press statement sa ipinataw na 30-day suspension sa SMNI

PINATAWAN ng 30-day suspension ng National Telecommunications Commission ang Sonshine Media Network International batay sa resolusyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso bunsod ng mga paglabag sa ilang probisyon ng prangkisa.

Sa isang kalatas ay sinabi ng NTC na naglabas ito ng isang show cause order na may 30-day suspension order na may petsang 19 Disyembre 2023 laban sa Swara Sug Media Corporation (Swara Sug) na may business/trade name na Sonshine Media Network International (SMNI).

Inutusan ng NTC Swara Sug na magpaliwanag sa loob ng 15 araw matapos matanggap ang kautusan “why it should not be administratively sanctioned for alleged violation of the condition of its authorities to comply with all the laws, rules and regulations of the land.”

 

Nauna rito’y nag-isyu rin ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) 14-day preventive suspension laban sa dalawang SMNI shows matapos repasuhin at imbestigahan ang mga umano’y paglabag sa content nito.

Ayon sa MTRCB ang “Gikan Sa Masa, Para Sa Masa” at “Laban Kasama ang Bayan” ay suspendido simula 18 Disyembre upang maiwasan maulit ang mga pagsuway at protektahan ang interes at kapakanan ng publiko.

Habang sa press statement ng NTC ay tinukoy ang deklarasyon sa Resolution No. 189 ng Mababang Kapulungan na nilabag ng Swara Sug ang tatlong espesipikong probisyon ng prangkisa nito.

Itinakda ng NTC ang administrative hearing sa 04 Enero 2024.

Sa naunang pahayag ni Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel, sinabi niya na natuklasan ng Committee on Legislative Franchises na nilabag ng SMNI ang Sections 4, 10, 11 at 12 ng kanilang prangkisa.

Nagpalit aniya ng may-ari ang SMNI ng walang basbas ng Kongreso, na paglabag sa Section 10 kaya’t maaaring awtomatikong bawiin ang prangkisa nito,

Habang ang pagsuway sa Section 11 ay bunsod ng pagkabigo ng SMNI na ipagbili ang 30% ng stocks nito sa publiko. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *