NAIS bawiin ni retired Police Brigadier General Jerry Valeroso ang kanyang mga pahayag laban kay dating senador Leila de Lima.
Si Valeroso , dating imbestigador mula sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at testigo ng prosecution, ay nagsumite ng kanyang Letter of Intent to Recant kay Judge Gener Gito ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 206.
Sa kanyang liham sa hukuman na may petsang 18 Disyembre 2023, sinabi niya na ang kanyang pasya na bawiin ang kanyang testimonya ay upang “set free all accused who were wrongfully charged in court” at upang “disclose the real truthfulness that the criminal complaints against accuses [sic] are pure Hearsay [sic] and full of lies.”
Si Valeroso ay naunang tumestigo na nakita niya si De Lima, noong ito’y justice secretary pa, na dumalo sa konsiyerto sa konsiyerto ni convicted drug lord Herbert Colanggo sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Ani Valeroso sa kanyang sulat, unang niyang kinonsidera na bawiin ang testimonya noong 2019 ngunit hindi itinuloy sa takot para sa kanyang kaligtasan pati ng kanyang pamilya.
Matatandaan pinayagan maglagak ng piyansa si De Lima ng hukuman sa kanyang huling drug case na testigo ng prosekusyon si Valeroso.
Si De Lima, isa sa pangunahing kritiko ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at nagsulong ng imbestigasyon laban sa patayan sa Davao City at sa buong bansa bunsod ng madugong Duterte drug war.
Iniulat ng Dobol B TV na may siyam pang ibang testigo ang prosekusyon na nagpahayag ng intesyong bumaligtad, kabilang ang pitong inmates na hiniling na mailipat sa ibang jail facility dahil sab anta sa kanilang buhay.
Ang iba pang testigo na bumaligtad ay sina Kerwin Espinosa, Rodolfo Magleo ay Nonilo Arile.
Unang napawalang sala si De Lima noong Pebrero 2021 nang ibasura ng Muntinlupa City RTC Branch 205 ang isa sa tatlong drug cases habang noong Mayo 12 ay inabsuwelto sila ni Ronnie Dayan ng Muntinlupa RTC Branch 204. (NINO ACLAN)