HINDI napigilan si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ng 30-day suspension order na ipinataw ng National Telecommunications Commission (NTC) laban sa SMNI at 14-araw na preventive suspension ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa kanyang TV program na “Gikan sa Masa, Para sa Masa.”
Nakapanayam ng kanyang dating chief presidential legal counsel na si Salvador Panelo sa DZRJ radio at TV program na Kontra Birada si Duterte kamakalawa at dito niya tinuran ang kanyang mga pagbatikos sa administrasyong Marcos Jr.
Ang DZRJ ay pagmamay-ari ni Ramon Jacinto, nagsilbing Presidential Adviser for Telecommunications ni Duterte.
“I think that the nation now let me repeat it to the Filipinos now, the nation or the government rather to be precise, the government at present hangs in a balance, whichever scales I cannot speculate, but really if you ask me, this government is beyond moral regeneration,” sabi ni Duterte.
Ipinahiwatig niya na tila mahina ang liderato ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. lalo na sa paglaban sa korupsyon at ayaw “pumatay” dahil sa takot sa International Criminal Court (ICC).
“Hindi na makontrol ang corruption, there is nobody telling everyone to stop . There is nobody willing to shoot the idiots who are continuing the plunder. ‘Pag ayaw mo pumatay, kasi takot ka dyan sa putang inang ICC, walang mangyari sa gobyerno mo. That is the reality of it all,” giit ni Duterte.
Si Duterte ay nahaharap sa kasong crimes against humanity sa ICC bunsod ng madugong drug war na kanyang isinulong na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong katao.
Tinukoy rin niya ang isyu nang pag-contempt at pagdetine ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kina Lorraine Badoy-Partoza at Jeffrey Celiz, hosts sa SMNI show “Laban Kasama ang Bayan” sanhi ng pagsasabi ng maling impormasyon sa ginastos sa mga biyahe ni Speaker Martin Romualdez.
“The fact now that the military can demand release of persons in contempt of court, a purely civilian activity, nakita mo na? Here is now dalawang tao, Mrs. Badoy and Mr. Celiz, bakit sila na-release? Because of the letter of PMAyer and rightly so kasi ‘pag hindi, paglalaruan ‘yung dalawa and make a mockery of democracy, tama lang ‘yun. You did it right,” aniya.
Napaulat na isang manifesto of support para kina Badoy at Celiz mula sa retiradong mga opisyal ng pulisya’t militar na nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) ang ipinadala sa Mababang Kapulungan na humiling na palayain ang dalawang SMNI hosts.
Matatandaang kaya pinakulong si Celiz ng Committee on Legislative Franchise ay sanhi ng hindi pag-amin kung sino ang nagbigay sa kanya ng maling impormasyon habang si Badoy ay dahil sa pagsasabing may mga anunsyo ang kanilang programa kahit itinanggi ito ng mga abogado ng SMNI.
Nagpasya ang komite na palayain sila matapos ikanta ni Celiz ang pangalan ng umano’y impormante niyang kawani ng Senado.
Muling nagbabala si Duterte sa umano’y posibilidad na pagkilos ng militar para umano’y ituwid ang mga pagkakamali sa administrsyong Marcos Jr.
“As a final word, I would just say, I leave to the military to decide, wala na. There will be no room for correction or moral regeneration , too late for that, too late in the day,” may himig babala na wika niya.
“It has long been incoming, long time ago, even during my time. Kaya ganun ang taga-gobyerno. Itong mga taga-gobyerno, itong mga klase nila itong mga Marcos, itong si Speaker Romualdez, they think if they are in the helms of government, they are God. May God have mercy on the souls of the Filipinos,” pagtatapos niya.
Matatandaang, itinanggi ni Duterte na isa siya sa nag-uudyok sa mga pulis at militar para pumalag sa gobyernong Marcos Jr. matapos aminin ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner noong nakaraang buwan na may mga kumakausap sa mga aktibong sundalo para sa ikinakasang destabilisasyon ng ilang retiradong opisyal ng AFP. (ROSE NOVENARIO)