SAKALING matuloy ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte maaaring hindi lang siya ang “mahubaran” sa maling paggasta ng confidential funds kundi maging ang militar.
Huwag nating kalilimutan na walang kakurap-kurap na inamin ng disbursing officers ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na inutusan sila ni Duterte na ibigay sa matataas na opisyal ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) na sina Col. Dennis Nolasco at Col. Raymund Lachica ang daan-daang milyong pisong confidential funds ng kanilang tanggapan.
Matapos maisiwalat ito’y inimbestigahan sila ng Armed Forces of the Philippines (AFP) pero hanggang ngayon ay wala pa ring resulta ang pagsisiyasat.
Binuwag din ng AFP ang VPSPG kaya’t may ilang nagtatanong kung naitabi ba ng mga opisyal at kawani nito ang mga dokumentong maaaring maging ebidensya sa impeachment trial.
Kung totoo ang isiniwalat ng disbursing officers ng OVP at DepEd na sina Lachica at Nolasco ang namahala sa paggasta ng daan-daang milyong pisong confidential funds, ibig sabihin, sa dalawang opisyal nagmula ang mga isinumiteng dokumento sa Commission on Audit (COA) na mga imbentong pangalan na nakatanggap ng kuwarta at pinirmahan naman ni Duterte.
Hindi kasama sa trabaho nina Nolasco at Lachica ang humawak ng confi funds ng OVP at DepEd kaya tiyak na swak agad sila sa asunto.
Sila ang namahala sa paggasta, at mga imbentong pangalan pa ang ginamit kaya dagdag na kaso pa ito sa kanila.
Paano ngayon nila ikakatwiran na kalakaran sa intelligence work na alias lang ang inilalagay na pangalan sa dokumento kung ang paghawak pa lang nila ng pondo ay illegal na?
Wala silang lusot.
Puwedeng sa pagharap nila sa impeachment trial ay ikanta nila kung ano ba talaga ang kahulugan ng “military style of disbursement” at kapag nangyari ito’y posibleng may mga madawit na pangalan ng unipormado at matataas na opisyal ng gobyerno.
Magtataka pa ba tayo kung habang papalapit ang inaabangang impeachment trial ay umuugong ang mga chika tungkol sa kudeta?
Ito kaya ang huling baraha ni Duterte kaya ang himig niya’y hindi magaganap ang impeachment trial?
Maaari rin na ito ang iniiwasan ni Pangulong Bongbong Marcos kaya ‘malamig’ siya sa impeachment trial, lalo na’t ang ilan sa kanyang security officials ay minana lang niya sa nakaraang administrasyon.
Ang suma total ng mga kaganapang ito’y ang kawalan ng sinseridad ng administrasyong Marcos Jr. na panagutin ang nagwaldas sa kaban ng bayan, kesehodang maging katawa-tawa siya sa buong mundo na pinagbantaan at minura ng kanyang Bise-Presidente, pati ang kanyang esposa, pinsan at namayapang ama.