Fri. Aug 7th, 2026

📷: Alliance of Concerned Teachers | FB

 

SAMA-SAMANG inilantad ng mga guro at kawani mula sa pampubliko at pribadong sektor ang tunay na kalagayan ng edukasyon sa bansa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang pulong balitaan ngayong araw.

Bilang tugon sa nalalapit na ika-apat na State of the Nation Address (SONA), isinagawa nila ang “State of the Education Workers’ Address” upang ipahayag ang panawagan para sa makabuluhang reporma.

Mariing kinondena ng mga grupo ang patuloy na neoliberal na polisiya sa edukasyon at pagsunod sa dikta ng dayuhang interes, na kamakailan ay sinasalamin sa pakikipagpulong ni Marcos Jr. kay US President Donald Trump.

“Bigo ang Pangulo na tugunan ang ugat ng krisis na kinakaharap ng mga guro at mag-aaral. Sa halip, patuloy ang komersyalisasyon at pribatisasyon ng edukasyon. Sa kabila ng taas-presyo at tambak na trabaho, nananatiling mababa’t hindi gumagalaw ang sahod ng mga pampublikong guro. Sa pribado namang sektor, marami ang mas mababa pa sa minimum wage, walang kasiguruhan sa trabaho, at tinatanggalan ng karapatan sa paggawa,” pahayag ni Vladimer Quetua, Tagapangulo ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).

Binigyang-diin naman ni Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers Party-list na ang matagal nang kakulangan sa pondo para sa edukasyon ang ugat ng siksikan sa mga silid-aralan, bulok na pasilidad, at mahihinang resulta sa pagkatuto. Giit niya ang kagyat na pagtaas ng budget para sa edukasyon upang umabot man lang sa pamantayang global.

“Bagaman sinasabi ni Pangulong Marcos Jr. na ‘nasa sentro’ ng kanyang adyenda ang edukasyon, nananatili itong lubhang kulang at malayo pa rin sa 6% ng GDP na pandaigdigang pamantayan. Sa nalalapit na deliberasyon sa budget, nananawagan kaming sertipikahang urgent ang House Bill 204 na aming inihain sa ika-20 Kongreso at suportahan ang mungkahing doblehin ang badyet sa edukasyon—isang matapang na hakbang para lutasin ang lumalalang krisis sa sektor,” diin ni Tinio.

Nagbabala rin ang sektor ukol sa tumitinding pag-atake sa kalayaang akademiko, karapatang mag-unyon, at civil liberties ng mga kawani sa edukasyon. Mula sa pagmamanman at red-tagging hanggang sa legal na panggigipit, iginiit nilang may pananagutan ang administrasyon sa pag-iral ng pananakot at panunupil, na pinapalala pa ng mga ahensiyang gaya ng NTF-ELCAC.

Nagtapos ang programa sa isang malikhaing pagtatanghal kung saan isinulat sa mga placard ang salitang: Papet. Barat. Bulakbol. Mapanupil., isang matapang na akusasyon laban sa pamumuno ni Marcos Jr.

Kabilang sa mga panawagan ng sektor ang makabuluhang dagdag-sahod at pantay na kompensasyon para sa pampubliko at pribadong guro; katiyakan sa trabaho at wakasan ang kontraktwalisasyon; malaking dagdag sa pambansang budget para sa edukasyon at serbisyong panlipunan; hustisya at proteksyon para sa mga guro at unyonistang inaabuso; at pagbasura sa mga anti-demokratikong patakaran at mapanupil na mekanismo gaya ng NTF-ELCAC.

“Hindi na kami basta nagbabala. Kami ay kumikilos, lumalaban, at inaangkin ang aming mga karapatan. Ito ang tunay na estado ng bansa mula sa mga silid-aralan, sa mata ng guro at mag-aaral na sinasalanta ng krisis. Sa darating na SONA, makikiisa kami sa mamamayan upang panagutin ang administrasyong ito sa patuloy na pagkakalugmok sa utang, kahirapan, at korupsiyon,” pagtatapos ni Quetua. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *