Fri. Aug 7th, 2026

KINOMPIRMA ni Atty. Regie Tongol, tagapagsalita ng Senate Impeachment Court na pagbobotohan ng senator-judges kung susundin o hindi ang desisyon ng Korte Suprema na itigil ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Tongol, ang botohan ay bahagi ng “deliberative process of any collegial body based on Senate Rules.”

Aniya natanggap na ng Senado ang electronic mail (e-mail) transmittal ng desisyon mula sa Korte Suprema noong gabi ng Biyernes, Hulyo 25.

Sa kontrpbersyal na pasya ay ipinagbabawal ng Korte Suprema ang kasalukuyang proseso ng impeachment laban kay VP Sara sa loob ng isang taon dahil sa mga isyung may kaugnayan sa due process. Maaaring ihain muli ang kaso matapos ang isang taon.

Kaugnay nito, inihayag ni House of Representatives Spokesperson Atty. Princess Abante na maghahain ang Kamara ng motion for reconsideration sa Korte Suprema.

“Nagbigay na rin ng pahayag si Speaker Martin Romualdez kagabi na ang House of Representatives ay magfa-file ng motion for reconsideration sa naging desisyon ng Korte Suprema na dineclare na unconstitutional ang paghain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte,” ani Abante sa panayam sa Super Radyo dzBB.

Maaaring may “factual details” na hindi natalakay ng SC sa naging desisyon nito.

“Sa ngayon, ang nakikita natin, unang una, may mga factual na mga detalye na hindi na-take into consideration ng SC, tungkol du’n sa binanggit na hindi dumaan sa plenaryo ‘yung impeachment complaint. Lahat ‘yan ay nasa record ng House of Representatives kaya magfa-file pa rin ng motion for reconsideration para mas maliwanagan din ang mga detalye ang mayroon ang Supreme Court,” ani Abante.

Kasama aniya ang mga ito sa mga dokumentong isinumite ng Kamara sa SC.

“Kasama naman ‘yan sa mga documents na na-submit before sa comment sa compliance na ni-require ng Supreme Court sa House of Representatives, pero mukhang hindi siya na-take into consideration sa paggawa ng desisyon. Kaya magfa-file ng motion of reconsideration ang House para mabigyan ng pagkakataon na mapakinggan ulit ang House of Representatives dito sa naging proseso na ito,” paliwanag ni Abante. (ROSE NOVENARIO)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *