Sa araw na inilaan para parangalan ang mga bayani ng bansa, sabay-sabay na naglunsad ng lunch break protest ang mga health worker upang igiit ang matagal nang hustisya.
Sa paggunita ng Araw ng mga Bayani, mariing kinondena ng mga frontliner ang Department of Health (DOH), Department of Budget and Management (DBM), at administrasyong Marcos Jr. sa patuloy na pagpapabaya sa mga suliraning matagal na nilang kinakaharap.
Sa kabila ng sakripisyong ibinigay nila noong pandemya at hanggang ngayon, nananatiling mababa ang sahod, kulang sa benepisyo, at labis ang trabaho ng mga health worker. Kabilang sa kanilang mga panawagan ang:
– Agarang paglalabas ng Performance-Based Bonus (PBB) para sa taong 2021–2023
– Pagbibigay ng ₱7,000 medical allowance bilang cash at hindi taxable
– Living wage na ₱36,000 para sa entry-level health workers at ₱50,000 para sa mga nurse at health professionals
– Mass hiring sa regular plantilla positions upang tugunan ang matinding kakulangan sa staff
– Mas mataas na budget para sa mga ospital upang matiyak ang libreng at dekalidad na serbisyong pangkalusugan para sa lahat
“Dalawang taon na mula nang i-lift ang state of public health emergency, pero lalong lumala ang kalagayan ng mga health worker,” pahayag ni Ely Sobinsky, mula sa Lung Center of the Philippines Employees Association-AHW. “Matagal na kaming tapat na naglilingkod, pero kung walang tunay na pagbabago, marami sa amin ang mapipilitang magtrabaho sa ibang bansa—hindi dahil sa kawalan ng pagmamahal sa bayan, kundi dahil sa pangangailangan.”
Mariin ding binatikos ng mga health worker ang kamakailang pahayag ni Pangulong Marcos Jr. na nananawagan sa kanila na “manatili at maglingkod” sa bansa. “Kung talagang nais ng gobyerno na manatili kami, dapat nitong tuparin ang mga obligasyon nito,” ayon kay Reynaldo Villamater, acting president ng National Center for Mental Health Employees Association-AHW.
Ang protesta ay isinagawa sa gitna ng lumalaking galit ng publiko sa bilyon-bilyong pisong ginagastos sa mga kaduda-dudang proyekto—mula sa unprogrammed funds, confidential at intelligence budget, hanggang sa flood control contracts, habang ang mga health worker at karaniwang mamamayan ay patuloy na naghihintay at nahihirapang makuha ang nararapat sa kanila.
“Ngayong Araw ng mga Bayani, hindi namin kailangan ng papuri,” dagdag ni Sobinsky. “Ang kailangan namin ay igalang ang aming mga karapatan, tugunan ang aming mga panawagan, at unahin ang pampublikong kalusugan higit sa pulitika at tubo.” (ROSE NOVENARIO)