Sinisiyasat ngayon ng Commission on Elections (Comelec) kung ang 15 kontratistang nagbigay ng kontribusyon sa mga kandidatong tumakbo sa pambansang posisyon noong Eleksyon 2022 ay nakakuha ng kontrata sa pamahalaan bago o pagkatapos ng halalan.
Ayon sa Comelec, ipinagbabawal sa mga kontratistang may kasalukuyang kontrata sa gobyerno ang pagbibigay ng donasyon sa mga kandidato. Nilalabag nito ang Section 95(c) ng Omnibus Election Code, na nagsasabing,“Bawal ang kontribusyon mula sa mga natural o juridical persons na may kontrata o sub-kontrata sa gobyerno para mag-supply ng goods, services, o magsagawa ng konstruksyon o iba pang proyekto.”
“’Yung mga sinasabing kontratista pero hindi pa confirmed kung sila ay kontratista sa pamahalaan noong panahon ng paghahain ng kandidatura, gusto naming alamin kung may live contract ba sila noon, o kung pagkatapos ng eleksyon ay saka pa lang sila nagkaroon ng kontrata,” sinabi ni Comelec Chairman George Garcia sa panayam sa Super Radyo dzBB
Dagdag pa ni Garcia, susulatan ng Comelec ang Department of Public Works and Highways (DPWH) upang beripikahin kung kailan pumasok ang mga kontrata, bago, habang, o pagkatapos ng eleksyon.
Sa ngayon, may 15 kontratista nang natukoy ng Comelec na nagbigay ng suporta o donasyon sa mga kandidato. Ngunit nilinaw ni Garcia na hindi pa tiyak kung lahat ng ito ay may kontrata sa gobyerno. Posible pa raw itong madagdagan habang patuloy ang pagsusuri ng Political Finance and Affairs Department sa mga Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ng mga kandidato.
Paalala ni Garcia, ang pananagutan ng kandidatong tumanggap ng donasyon ay tatalakayin lamang kung mapatunayang ilegal ang kontribusyon.
“Ang mahalaga muna ay ang nagbigay. Walang pananagutan ang tumanggap kung legal naman ang binigay.”
Noong Agosto 22, unang inanunsyo ng Comelec na may 3 hanggang 4 na kontratista mula sa public works sector ang iniimbestigahan. Sa loob lamang ng ilang araw, lumobo na ito sa 15, at inaasahang madaragdagan pa. (JCNE)