Sun. Mar 15th, 2026

Photo Courtesy: Melvin C. Gascon | Kodao Productions

 

Nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Dupax del Norte na nag-uutos ng agarang kanselasyon ng mga kasalukuyang eksplorasyon ng pagmimina sa bayan.

Sa opisyal na pahayag, inanunsyo rin ng konseho ang pag-apruba sa isang ordinansang nagtatakda ng 50-taóng moratoryo sa lahat ng aplikasyon para sa malaki at maliit na pagmimina.

“As one voice, the governing body has duly acted to promulgate a measure calling the immediate cancellation of the mining exploration,” ayon sa pahayag.

Saklaw ng ordinansa ang mga permit sa eksplorasyon, kasunduan sa mineral, at mga Financial o Technical Assistance Agreements (FTAA), na may kaukulang parusa sa mga lalabag.

Binigyang-diin ng konseho na ang desisyon ay hindi pagsalungat sa pag-unlad, kundi paninindigan para sa balanse.

“We choose a progress that protects, livelihood that lasts, and a development that does not destroy,” dagdag pa nila, sabay pagtitiyak na ang lokal na pamahalaan ay nakatuon sa pangangalaga ng lupa at likas-yaman para sa mga susunod na henerasyon.

Masusing Pagsusuri, Hindi Pagpapabaya

Ayon sa Sangguniang Bayan, ang pagkaantala sa paninindigan ay hindi bunga ng kapabayaan kundi ng pangangailangang pag-aralan ito nang mabuti.

Sinabi ng mga lokal na mambabatas na kanilang sinuri ang mga ulat sa epekto sa kalikasan, kumonsulta sa mga tagapagtanggol ng komunidad, at nakinig sa mga residenteng apektado bago tuluyang bumuo ng posisyon.

Sa pamamagitan ng ebidensya at kolektibong karunungan, sinabi ng konseho na layunin nilang magtatag ng isang “strong and credible” na batayan para sa pagtutol sa operasyon ng pagmimina.

Muling pinagtibay ng Sangguniang Bayan ang kanilang prinsipyo ng “public service above self” at nangakong ipagpapatuloy ang pagtatanggol sa interes ng mamamayan ng Dupax del Norte.

“While development and progress are welcome, they must always be pursued within the framework of justice, sustainability, and the rule of law,” giit ng Bise Alkalde at mga miyembro ng Sangguniang Bayan.

“Recognizing the concerns raised by the people and weighing the possible impact of the operation, the body agreed that decisive action must be taken lawful, fair, and responsive to the community’s needs,” dagdag pa ng mga opisyal. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *