Tinanggap na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbibitiw ni Kalihim Manuel M. Bonoan mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), epektibo ngayong Setyembre 1, 2025.
Sa kanyang resignation letter, ipinahayag ni Bonoan ang suporta sa panawagan ng Pangulo para sa pananagutan, transparency, at reporma sa loob ng ahensya—lalo na’t lumalakas ang panawagan para imbestigahan ang mga iregularidad sa flood control projects.
Itinalaga ng Pangulo si Transportation Secretary Vince Dizon bilang bagong Kalihim ng DPWH.
Kilala si Dizon sa pamumuno sa mga malalaking infrastructure projects, at ngayon ay inatasang magsagawa ng malawakang organizational sweep upang matiyak na ang pondo ng bayan ay napupunta lamang sa mga proyektong tunay na naglilingkod at nagpoprotekta sa mamamayang Pilipino.
Upang hindi maantala ang mga programa sa Department of Transportation (DOTr), itinalaga si Atty. Giovanni Z. Lopez bilang Acting Secretary.
Si Lopez ay dating Undersecretary para sa Administration, Finance, at Procurement, at may malawak na karanasan sa railway, aviation, at maritime infrastructure.
Bilang pansamantalang pinuno ng DOTr, siya ang mangunguna sa pagpapatuloy ng transport modernization at mga inisyatibong nakatuon sa kaligtasan, kahusayan, at mabilis na implementasyon ng mga proyekto.
Kasabay ng mga pagbabago, bumuo rin ang Pangulo ng isang Independent Commission para imbestigahan ang mga anomalya sa flood control.
Layunin nitong suriin ang mga proyekto, tukuyin ang mga iregularidad, at magrekomenda ng mga hakbang para sa pananagutan, bilang bahagi ng mas malawak na kampanya laban sa katiwalian. (ROSE NOVENARIO)