Nagbabala si ACT Teachers Representative at Deputy Minority Leader Antonio Tinio sa tinawag niyang “legalisadong shortcut” sa mga kontrata ng imprastruktura ng gobyerno, kung saan ginagamit umano ang joint ventures para maipasa ang bilyong pisong proyekto sa mga kumpanyang may ugnayan sa makapangyarihang pamilyang pampulitika.
Tinukoy ni Tinio ang CLTG Builders, isang kumpanyang nakabase sa Davao na pag-aari ni Desiderio Go, ama ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go.
Ayon sa kanya, hindi dahil sa teknikal na husay umangat ang CLTG kundi dahil sa joint venture nito sa Discaya group, isa pang pamilyang may koneksyon sa pulitika.
“It seems that the CLTG of the Gos became one of the biggest contractors in Davao because of their joint venture with the Discaya’s. CLTG then used the license of the Discaya’s to get more Davao projects beyond its capacity and it seems that in return the Discaya companines will corner more national infrastructure projects due to the closeness of the family to Malacanang,” pahayag ni Tinio.
Nagbabala siya na ang ganitong mga kasunduan ay nagpapalabo sa patas na kompetisyon at nagbibigay daan sa mga kumpanyang kulang sa kwalipikasyon para makakuha ng malalaking kontrata sa pamamagitan ng impluwensyang pampulitika.
“’Di puwedeng makalusot ang mga ito dahil lamang sa kanilang koneksyon,” diin ni Tinio.
“Kapag ang paglago ng kumpanya ay hindi dahil sa husay kundi dahil sa kakilala sa Palasyo o Senado, may malalim tayong problema sa sistema ng public works.”
Batay sa mga ulat ng imbestigasyon, nakakuha ang CLTG Builders ng mahigit ₱4.9 bilyong halaga ng kontrata mula 2007 hanggang 2018 kahit B license lang ang hawak nito, malayo sa kinakailangang kapasidad para sa malalaking proyekto.
Marami sa mga kontratang ito ay iginawad noong administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan nagsilbi si Bong Go bilang Special Assistant to the President.
Nanawagan si Tinio ng malawakang imbestigasyon ng Kongreso sa lahat ng joint venture arrangements na kinasasangkutan ng mga kontratistang may koneksyon sa pulitika, mula noon hanggang ngayon.
“Kailangang busisiin ang bawat kontrata, bawat partnership na nagbigay daan sa mga kumpanyang ito para biglang maging pangunahing kontratista sa imprastruktura ng gobyerno,” aniya.
Hinimok din niya ang House Committee on Public Works and Highways na gamitin ang kapangyarihang magbantay upang matiyak na ang pondo ng bayan ay napupunta sa mga karapat-dapat, hindi sa mga kumpanyang may padrino sa gobyerno.
“Hindi puwedeng hayaan natin na ang pera ng bayan ay napupunta sa mga kumpanyang nakakuha ng kontrata hindi dahil sa kanilang husay, kundi dahil sa kanilang koneksyon sa mga mataas na opisyal ng gobyerno,” pagtatapos ni Tinio. (ROSE NOVENARIO)
