Sat. Mar 14th, 2026

Kinuwestiyon ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang eksklusibong prangkisa na ibinigay sa kompanya ni Batangas Rep. Leandro Leviste para sa solar power projects.

Sa programang Executive Session sa DZRH, binigyang-diin ni Remulla na ang tunay na problema ng bansa ay kuryente, ngunit sa halip na solusyon ay “istoryang kalokohan” umano ang dala ni Leviste.

“Kuryente ang problema natin, tapos maglalagay ka pa ng sinasabi nilang ‘genius’ na bata na ngayon gumawa ng istoryang kalokohan. Niloloko lang tayong lahat. Kasi may kakutsaba yan sa taas,” ani Remulla.

Dagdag pa niya, hindi umano naiintindihan ni Leviste ang istruktura ng kanyang korporasyon at may mga koneksyon ito sa nakaraang administrasyon.

“Hindi nga niya naiintindihan ang corporate structure nya eh. Sinong kasama niya, di ba may mga abogadong kausap nya? At may koneksyon yan sa taas noon. May koneksyon yan sa Duterte government, 2019 ang franchise. Kasama nanay nya sa naglakad nyan pero syempre kunyari arm’s length siya pero chairman ka ng budget, chairman ka ng finance committee, puwede bang wala?” dagdag ni Remulla.

Pinatawan ng Department of Energy (DOE) si Leviste ng multang ₱24 bilyon dahil sa kabiguang makapag-produce ng kuryenteng nakasaad sa 43 kontrata, kung saan 33 ang tuluyang nabigo.

Binatikos ni Remulla ang pagbibigay ng eksklusibong prangkisa kay Leviste sa halip na ipa-bid sa mas maraming solar providers.

“Binigyan ka ng franchise — exclusive franchise pa, exclusive yan. Imbes na ibinid out mo sa 20 providers ng solar, binigay mo sa isa. Alam mo nakaapekto pa yan sa feed-in tariff,” aniya.

Bilang halimbawa, binanggit ni Remulla ang kaso ng ilang kumpanya sa Cavite na naglagay ng solar panels sa malalaking rooftop ngunit hindi nabigyan ng feed-in tariff (FIT).

“Halimbawa yung mga PEZA companies, meron kami actual case sa Cavite, 40 hectares sa rooftop nilagyan nila ng solar, ayaw bigyan ng FIT, dinelay nang dinelay ni Cusi yan, ayaw nilang bigyan kasi naka-allocate na,” paliwanag niya.

Si Al Cusi ang kalihim ng Department of Energy noong administrasyong Duterte. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *