Ipinagmalaki ni DILG Secretary Jonvic Remulla na hindi nilulubayan ng pulisya ang pagtugis sa puganteng dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag, akusadong mastermind sa pagpatay sa beteranong broadcaster na si Percy Lapid.
Batay aniya sa impormasyon ay nagtatago si Bantag sa Cordillera region.
“Ang PNP ay hindi tumitigil sa paghahanap, gaya kay warden Bantag, active pa rin ang pursuit namin sa kanya and we’re closing in on him. Ang latest info namin ay nasa Cordillera region siya, andun ang tracker teams namin ngayon,” sabi ni Remulla.
“Pero dapat maintindihan ninyo na mahirap ang Cordillera region, bundok yan. Bago mo mapasok, may covered of trees, kahit lagyan ng drones, hindi mo makikita. Kailangan, live ang asset natin kaya tingin ko roon ay nagpoprotektahan kaya they are now trying other means para makapasok sa grupo nya doon sa Cordillera region,” dagdag niya.
Matatandaan pinaslang si Percy noong Oktubre 3, 2022, ilang araw matapos niyang isiwalat sa kanyang programang “Lapid Fire” ang mga illegal na aktibidad sa New Bilibid Prison at kuwestiyonableng yaman ni Bantag. (ROSE NOVENARIO)