BOAC, Marinduque — Bilang paggunita sa ika-106 anibersaryo ng muling pagkakatatag ng lalawigan, inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque ang isang panawagan para sa mga kontribusyon sa nalalapit na tampok na eksibit na pinamagatang “106 Years, 106 Stories.”
Sa pangunguna ng Marinduque Provincial Tourism and Cultural Office, bukas ang panawagan para sa lahat ng Marinduqueño, maging ang nasa labas ng isla, na magbigay ng mga larawan, artepakto, dokumento, at personal na salaysay na sumasalamin sa kasaysayan at kultura ng lalawigan. Maaaring magpasa ang mga indibidwal, pamilya, paaralan, organisasyon, o barangay.
Kabilang sa mga tinatanggap na kontribusyon ang mga lumang litrato ng pamilya, heirlooms at kasangkapang tradisyonal, damit, barya, aklat, at kasulatan, gayundin ang mga tala, sertipiko, journal, at archival records.
Bukas din ang eksibit sa mga personal na kwento hinggil sa kasaysayan ng pamilya, mahahalagang pangyayari, at mga alaala ng komunidad.
Pagpupugay sa Pamana
Layunin ng eksibit na palakasin ang pagkakakilanlan kultural, itaguyod ang kamalayang pangkasaysayan, at magbigay-diin sa pagkakaisa sa pamamagitan ng isang “buhay na museo ng mga alaala.”
Ang mga kwento at materyales ay ilalagay sa apat na yugto ng kasaysayan:
– Unang taon (1919–1940)
– Gitnang siglo (1941–1970)
– Makabagong panahon (1971–2000)
– Kontemporaryo (2001–2026)
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, “Habang naghahanda tayo para sa ika-106 Taong Pagkakatatag ng Marinduque, patuloy nating tinipon ang mga kwento sa bawat panahon. Bawat tinig, bawat alaala, bawat pamana ay mahalaga.”
Sama-samang Pagtatayo ng Museo
Ang eksibit ay itatampok sa Pebrero 21, 2026, kasabay ng pagdiriwang ng Marinduque Day.
Ang mga kontribusyon ay isasama sa isang community-led museum installation na magpapakita ng higit isang siglo ng kasaysayan at kultura ng lalawigan.
Nanawagan ang pamahalaan sa mga nais magbigay ng larawan ng pamilya, dokumentong pangkasaysayan, mga pamana at kwento na makipag-ugnayan sa kanila para maisama sa eksibit.
“Itayo natin ang museong ito nang sama-sama—isang kwento, isang alaala sa bawat pagkakataon.” (RANDY NOBLEZA)