Sat. Mar 14th, 2026

📷: Governor Humerlito “Bonz” Dolor | Facebook

 

Tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na mananagot ang contractor sa umano’y substandard na flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro, matapos ang pagguho ng road dike na dapat sana’y nagsisilbing proteksyon laban sa pag-apaw ng Mag-Asawang Tubig River.

Ang proyekto ay isinagawa ng Newbig Four J Construction, Inc., isang kompanyang nakabase sa Las Piñas City na aktibo sa mga infrastructure projects ng DPWH.

Batay sa mga dokumento ng ahensya, si Jaime C. Cruz ang president, chairperson, at Chief Executive Officer ng kompanya, ang nakatalang authorized representative.

Sa inspeksyong isinagawa ni Governor Humerlito “Bonz” Dolor nitong Sabado, kasama si Mayor Henry Joel Teves at mga kinatawan ng DPWH Mimaropa, natuklasan ang malalaking pagguho sa road dike sa Barangay San Andres, kabilang ang bahagi na mahigit 100 metro ang haba.

Ayon kay Dolor, dalawang flood control project na may kabuuang halagang ₱420 milyon ang naapektuhan.

Ang una ay sinimulan noong Pebrero 11, 2023 at natapos noong Pebrero 5, 2024 na may pondong ₱210 milyon, habang ang ikalawa ay itinayo mula Pebrero 11, 2023 hanggang Disyembre 10, 2023.

Ayon kay Dizon si dating DPWH MIMAROPA Regional Director Gerlad Pacanan ang pumirma sa naturang proyekto.

Si Pacanan ay isa sa mga opisyal ng DPWH na nakakulong bunsod ng mga kasong graft at malversation, kasama si dating Ako-Bicol party-list Rep. Zaldy Co kaugnay sa umano’y maanomalyang P289 million flood control project sa Oriental Mindoro. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *