Tue. May 19th, 2026

Ikinagalak ng grupong KARAPATAN ang desisyon ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber na nagsasabing si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay fit o may kakayahang lumahok sa mga pre-trial proceedings.

Ibinasura ng ICC ang mosyon ng kampo ni Duterte na humihiling ng walang hanggang pagpapaliban ng paglilitis, sa dahilang umano’y may “cognitive deficits” ang kanilang kliyente na makahahadlang sa kanyang makabuluhang partisipasyon sa proseso.

Ayon kay KARAPATAN Secretary General Cristina Palabay, nakatakda na ang petsa para sa confirmation of charges sa Pebrero 23, 2026, at maaari nang magsimula ang mismong paglilitis pagkatapos nito.

Dagdag pa ni Palabay, tinuldukan ng desisyon ng ICC ang limang buwang tangkang pigilan ni Duterte ang pag-usad ng kaso. “Desperado si Duterte at ang kanyang mga kapanalig na harangin ang proseso dahil wala silang depensa sa mga krimeng kanyang ginawa. Hanggang ngayon, nananatili siyang mamamatay-tao at walang pagsisising tirano gaya noong siya’y nasa kapangyarihan pa,” aniya.

Nanawagan din ang ICC ng mas marami pang saksi na magbigay ng karagdagang ebidensya, at may mga mungkahing palawakin ang saklaw ng pananagutan ni Duterte upang isama ang di-makatarungang pagkakakulong, tortyur, at iba pang hindi makataong gawain na sakop ng “crimes against humanity.”

“Sa anumang kaso, ang posibilidad na humarap si Duterte sa paglilitis ay nagbibigay ng sinag ng pag-asa para sa mga biktima ng kanyang madugong drug war na matagal nang naghahangad ng hustisya at pananagutan,” pagtatapos ni Palabay. (JCNE)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *