Wed. Feb 4th, 2026

Boac, Marinduque – Inilulunsad ng College of Arts and Social Sciences (CASS) ng Marinduque State University (MarSU) ang panibagong season ng Art Talks at Heart Convos simula Pebrero 6, kasabay ng pagdiriwang ng National Arts Month. Ang serye ay kaagapay ng lingguhang Art Fridates ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at magtatagal sa buong buwan ng Pebrero.

Pinangungunahan ito ng mga mag-aaral sa ikatlong taon ng BA Communication na kumukuha ng Communication Elective 4: Creative Cultural Development (Comm Elect 4) ngayong ikalawang semestre ng taong panuruan 2025–2026. Hinati ang klase sa apat na grupo na kumakatawan sa iba’t ibang kultural na sona ng lalawigan: Monserrat de Marinduque (Boac at Mogpog), San Bernardo de Marinduque (Gasan at Buenavista), San Juan de Marinduque (Santa Cruz at Torrijos), at Isla de Marinduque.

Pangunahing tema ng Comm Elect 4 ang moryonan, na tatalakayin kaugnay ng Sustainable Development Goals.

– Pebrero 6 (Biyernes): Sisibol ang serye sa Moryonan sa Mogpog na tampok sina Jayson Mistal, municipal tourism designate; Maria Go, pangulo ng moryon group; lokal na iskultor Gilbert Monsanto; at ang Samahan ng Moryon sa Mogpog. Sa Boac, ipapakita rin ang panayam sa mga kasapi ng Mistah: Kwento sa Likod ng Panata.

– Pebrero 13 (Biyernes): Itatampok ng Group 2 ang bagong samahan ng Moryon sa Gasan na Credencious, kasama ang mga opisyal at kasapi nito. Tatalakayin din ang kasaysayan, pananampalataya, at kasalukuyang kalagayan ng moryonan sa Buenavista.

– Pebrero 20 (Biyernes): Iuugnay ng Group 3 ang mga bagong tradisyon sa Santa Cruz sa pamamagitan ng pananaw ni tourism officer Yolanda Elegado at RR Rañeses mula sa I Love Santa Cruz Collective. Sa Torrijos, tatalakayin naman ni lokal na historyador at administrator Reijohn Mendones ang kasaysayan ng Moriones.

– Pebrero 27 (Biyernes): Tatapusin ng Group 4 ang serye sa pagtalakay sa ugat ng moryonan at pananampalatayang nakapaloob sa maskara, kasama si Fr. Dionisio Santiago at ang salaysay ni San Longhino. Sa huling screening, ipapakita ang iba’t ibang lokal na bersyon ng moryonan sa Marinduque, na may mga sanggunian mula kay Msgr. Rolando Oliverio, tourism officer Rino Labay, at cultural researcher Luigi Malangis.

Ipalalabas ang mga sesyon linggu-linggo sa social media platforms upang mas maraming manonood ang makibahagi sa yaman ng kulturang Marinduque. Layunin ng MarSU na palalimin ang pag-unawa at pagpapahalaga sa tradisyong moryonan habang iniuugnay ito sa mga kontemporaryong tema ng pagpapanatili at kultural na pag-unlad.  (RANDY NOBLEZA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *