ISANG malaking kahangalan ang pagkakaroon ng isang ahensya ng pamahalaan na nilikha para sa seguridad ng media ngunit aktibong naglalagay sa panganib sa mga mamamahayag sa pamamagitan ng pag-akusa sa kanila bilang mga kaaway ng estado, ayon sa National Union of Journalists of the Philippines.
Bukod sa NUJP, mariing kinondena rin ng grupo ng mga mamamahayag na Altermidya at human rights group Karapatan ang pag-atake ni Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) executive director Paulino Gutierrez kay Frenchie Mae Cumpio, isang nakakulong na mamamahayag, nang akusahan niyang aktibo sa mga grupo ng terorista.
Sa kanyang “Paul’s Alarm” column sa JournalnewsOnline noong Enero 4, sinabi ni Gutierrez , “Nais din niyang (United Nations Special Rapporteur on freedom of expression and opinion Irene Khan) malaman ang sitwasyon ni Franchie (sic) Mae Cumpio, na kasalukuyang naka-detine sa Palo Provincial Jail sa Leyte dahil aktibo nitong papel sa lokal na teroristang grupo ng mga komunista.”
Ayon sa Altermidya, ang paratang ng opisyal ay eksakto kung ano ang ibig nilang sabihin tungkol sa red-tagging: ang mga opisyal ng gobyerno na nag-uugnay sa mga sibilyan sa diumano’y mga komunistang grupo nang walang patunay.
“May we remind Mr. Gutierrez that Ms. Cumpio is contesting the charges filed against her in court and has yet to be convicted. There is absolutely no point for anyone, more so a high government official, to forget that ‘everyone is presumed innocent until proven guilty in a court of law,’” anang Altermidya sa isang kalatas.
Sinabi rin ng NUJP na ang akusasyon ni Gutierrez ay tiyak na nagtatampok kung paano naging institusyonal ang red-tagging sa Pilipinas at naging hindi idineklarang patakaran.
Idinagdag ng grupo na ang alegasyon ni Gutierrez ay lumalabag hindi lamang sa constitutional presumption of innocence kundi pati na rin sa Journalist’s Code of Ethics.
Binatikos din Karapatan si Gutierrez sa pagiging ipokrito sa ginawang red-tagging kay Cumpio.
“Here is a big example of the government’s so-called ‘promotion of human rights,’ and yet, the Philippine government is already vilifying human rights defenders and press freedom defenders because they have tagged them as enemies of the state,” ani Karapatan secretary general Cristina Palabay.
Isang kabalintunaan ang isinulat ni Gutierrez sa kanyang pitak tungkol sa kahandaan niyang makipagkita sa opisyal na 10-araw na pagbisita ni Irene Khan, UN expert on press freedom and freedom of expression sa Pilipinas simula sa susunod na lingo.
Idinagdag ni Gutierrez na isang makabuluhang personal na karangalan para sa kanya na pamunuan ang paghahanda ng bansa para sa pagbisita ni Khan bilang hepe ng tanging ahensya ng gobyerno sa mundo na nakatuon sa mga karapatan ng manggagawa sa media.
Giit ng Altermidya, ang pag-atake ni Gutierrez laban kay Cympio ay simbolo ng kanilang reklamo sa UN expert.
“It is exactly this kind of information that we wish Ms. Khan would closely look into in her investigation into the Philippine situation,” sabi ng Altermidya.
“The statement of USec Gutierrez highlights the urgency of our appeal to Ms Khan to conduct a thorough investigation on the continued vilification of journalists, affecting the exercise of press freedom and the people’s right to know,” dagdag ng Altermidya.
Sinabi ng Karapatan na ang mga ahensya ng gobyerno na kasangkot sa pagbisita ng UN Special Rapporteur ay ang parehong mga ahensya na nakikibahagi sa red-tagging, pag-label ng terorista, pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso, at iba pang anyo ng mga paglabag.
Sa kanyang column, ibinunyag ni Gutierrez na gustong bisitahin ni Khan si Cumpio sa kulungan.
Sino si Frenchie Mae Cumpio
Si Cumpio, ang pinakabatang mamamahayag sa bilangguan sa mundo ngayon, inaresto noong Pebrero 2020 noong siya ay 20 taong gulang.
Isa siyang dating editor ng student publication na University of the Philippines Vista sa Tacloban, at isang broadcaster sa istasyon ng Aksiyon Radyo ng Manila Broadcasting Company sa Leyte noong siya ay inaresto.
Siya rin ang executive director ng alternatibong media outfit na Eastern Vista at manager-in-training ng Radyo Taclobanon, isang proyekto ng radio station na pinangungunahan ng mga kababaihan sa disaster resiliency community sa Supertyphoon Yolanda-hit Eastern Visayas.
Siya ang mismong Frenchie Mae Cumpio na binanggit sa talumpati ng Nobel Peace Prize ni laureate Maria Ressa, sabi ng Altermidya. (ROSE NOVENARIO)