📷Cong. Oscar “Oca” Malapitan | Facebook
SINAMPAHAN ng kasong graft si Caloocan City Rep. Oscar “Oca” Malapitan, at iba pa, sa Office of the Ombudsman bunsod ng umano’y maling paggamit sa kanyang pork barrel o Priority Development Assistance Funds (PDAF) mula 2007 hanggang 2009 na nagkakahalaga ng P8 milyon.
Sa inihaing reklamo ni dating Caloocan Mayor Reynaldo Malonzo, nakasaad na ang naturang halaga ay illegal na inilipat sa non-government organization na Kaloocan Assistance Council, Inc. (KACI) kahit hindi ito kuwalipikadong tumanggap ng PDAF, batay sa report ng Commission on Audit (COA).
Isang katulad na kaso ang inihain laban kay Malapitan noong 2015 at nakakita ng probable cause ang Ombudsman sa paglabag sa graft, malversation of public funds, at falsification of public documents noong 2017, ngunit binawi ang desisyon noong 2019 dahil sa “insufficiency of evidence”.
Inihalintulad ni Malonzo ang ginawa ni Malapitan sa naging modus ng mga politiko at ni convicted pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles na gumamit ng NGOs para makulimbat ang pera ng bayan.
Umaasa ang dating alkalde na sa mga bagong ebidensya na kanyang isinumite ay maisakdal at litisin si Malapitan at mga kasabwat sa kasong graft at malversation of public funds.
“Similar to the case of Janet Lim Napoles, Congressman Oca Malapitan endorsed and used an NGO to embezzle government funds, a known modus used by politicians during that time. With the new evidence presented, I hope that the Ombudsman will indict the named respondents and let them face trial for graft and malversation,” ani Malonzo.
Natuklasan sa mga dokumento mula sa COA na ang kuwestiyonableng halaga na ipinagkaloob sa KACI ay nanatiling “unliquidated” matapos ang mahigit isang dekada.
Ayon sa COA Special Audits Office Report No. 2012-034 on PDAF, na hindi ikinonsidera dati sa kaso, may ilang hindi pagkakatugma sa mga numerong nakasaad sa mga dokumentong isinumite at nabisto ang mga illegal na transaksyon.
“The report highlighted that funds were transferred to NGOs without the required legal appropriations and that administrative expenses were charged to the subject PDAF, contrary to the existing rules and regulations. Further, there were Notices of Disallowance issued by COA in 2014, revealing illegal and irregular transactions involving the transfer of funds to KACI.”
Batay sa pagrepaso sa mga dokumento na isinumite ng NGOs, kabilang ang KACI, nabisto na maraming benepisyaryo ang paulit-ulit na pinadalo sa parehong pagsasanay ng iba’t ibang NGOs na umabot sa 15 beses at nakatanggap sila ng magkakatulad na kits.
Marami rin sa parehong training ay isinagawa sa iisang barangay ng magkakatulad na NGOs.
Kabilang sa mga kapwa akusado ni Malapitan sa graft case ay sina Esperanza I. Cabral, Mateo G. Montano, Vilma B. Cabrera, Pacita D. Sarino, Leonila M. Hayahay, at Cenon M. Mayor.
Ilan sa kanila ay nahatulang guilt ng mga hukuman sa mga kasong may kaugnayan sa maling paggamit ng PDAF. (ROSE NOVENARIO)