Sat. Nov 23rd, 2024

NANAWAGAN ang health groups kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na panagutin ang nangurakot sa kaban ng bayan, lalo na sa pondong nakalaan para sa kalusugan ng mga mamamayan.

“Nasaan po ang pagpapanagot sa mga nangurakot. Ang sabi po natin health is wealth pero ang kayamanan na ito’y ipinagkatiwala naming mga mamamayan, ang kayamanan na ito ay kinukurakot ng mayayaman at hinahayaan lang ng pamahalaan,” sabi ni Philippine Medical Students Association National Chairperson Blaise Belosillo sa ginanap na press briefing ng health groups kaugnay sa paglala ng krisis pangkalusugan sa ilalim ng Bagong Pilipinas ng administrasyong Marcos Jr.

Nangangamba aniya ang medical students sa daratnan nilang kinabukasan dahil ang patuloy na kriminal na pagpapabaya ni Marcos Jr ay magbubunga nang paglala ng sakit at paghantong sa kamatayan.

“Ang kawalan ng respeto para sa karapatan sa kalusugan ng mga mamamayan dahil pinipili ng pamahalaan na protektahan yung mga corrupt na opisyal imbes ang kalusugan ng mga mamamayan,” giit ni Belosillo.

Tinukoy niya ang napakalaking eskandalo ng korapsyon ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na nagkakahalaga ng P8.6 bilyong kontrata na ipinagkaloob ng administrasyong Duterte sa kompanya kahit wala itong maayos na track record, hindi dumaan sa wastong bidding procedures at background check.

“Ayon sa Ombudsman noong 2023, na-indict na po yung mga PS-DBM officials, Pharmally executives for graft pero hanggang ngayon, wala pa ring aksyon kay former DOH Secretary Duque , kay former Presidential Adviser Michael Yang at kay former President Duterte,” ani Belosillo.

“At matatandaan din po natin, isa pang issue, ‘yun pagbubulsa ng P15-B ng PhilHealth officials na isang taon pa ang lumipas bago sila nakapag-release ng liquidation,” dagdag niya.

“Nagalit ang mga mamamayan at syempre very justified ang kanilang galit dahil sa kanilang bulsa kinukuha sa kanilang suweldo. Ibang usapin pa po ang shine-shellout nil ana personal funds at iba pang expenses dahil hindi covered ang ibang expenses ng PhilHealth. Kaya lumalabas ang mga mamamayan ay ginigipit at todo-todong tinitipid.”

Para kay Belosillo, hindi wasto ang pahayag ni Marcos Jr. noong 2022 na ang korapsyon lamang sa ilalim ng kanyang administrasyon ang tutugunan .

“Presidente Marcos, kung sino man po ‘yung nangurakot sa mga nakaraang pamahalaan ay makakaapekto  doon sa mga mamamayan na dapat ‘nyo ngayong pinaglilingkuran,” aniya.

“Sa amin pong mga future health workers na magsisilbi sa inyong mga mamamayan kaya kami po ang gusto po naming malaman, gusto namin kayong singilin,” giit ni Belosillo.

Tiniyak nina Jocelyn Andamo, secretary general ng Filipino Nurses United; Albert Pascual, secretary general ng Health Alliance for Democracy (HEAD) at Robert Mendoza, secretary general ng Alliance of Health Workers (AHW) na nakahandang makipagtulungan ang kanilang mga grupo kapag binuksan muli ang imbestigasyon sa Pharmally anomaly ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Naninindigan din sila sa panawagan para sa umento sa shod, nakabubuhay na suweldo, dagdag na mga benepisyo, seguridad sa trabaho panagutin ang mga sangkot sa katiwalian sa Department of Health. (ROSE NOVENARIO)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *