MAY mga maling detalye at kahulugan ang ilang salitang ginamit sa kontrobersyal na aklat na “Isang Kaibigan” na ipinagmalaking iniakda ni Vice President Sara Duterte at hiniling na pondohan ng P10 milyon para maipamudmod sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa kanyang paskil sa Facebook, ipinunto ng manunulat na si Orlando A. Maliwanag ang mga hindi wasto sa unang pahina pa lamang ng “Isang Kaibigan.”
“Sa lilim ng luntiang mga dahoon ng Banahaw, nakatago ang isang hiwaga: si Kwago, ang marangyang ibon na may-ari ng isang pugad na nakapatong sa sanga ng puno ng mangga,” sabi sa aklat.
Ayon naman kay Maliwanag, walang dahon ang Banahaw dahil ito’y pangalan ng isang bundo o bulkan at hindi puno.
“(ISANG KAIBIGAN, PAGE 1)
Wala pong dahon ang BANAHAW dahil hindi ito puno kundi pangalan ng isang BUNDOK o BULKAN.
Ang salitang HIWAGA ay nangangahulugan ng misteryo, sikreto, o kababalaghan. Maliban na lang kung may itinatagong ill-gotten wealth si Kwago, wala akong nakikitang kababalaghan sa katayuan niya.
Kalimitan ding sa uka ng puno nagpupugad ang mga kwago (may ilang species na hindi).”
Ayusin natin:
Sa lilim ng luntiang mga dahon sa isang bahagi ng Bundok Banahaw, naninirahan si Kwago. Namumuhay siya nang marangya sa kanyang pugad na nasa puno ng manggang hitik sa matatamis na bunga.”
Kaya ang hirit ni Maliwanag, “Sara, sa halagang P1 milyon, aayusin ko ang buong libro. Haha.”
Matatandaan nagtalo sina VP Sara at Sen. Risa Hontiveros nang tanungin ng senadora kung tungkol saan ang aklat at bakit kailangang pondohan ito ng sampung milyong piso ng Office of the Vice President para sa susunod na taon. (ROSE NOVENARIO)