SINIBAK ang dalawang pulis na nakatalaga sa Manila Police District matapos bugbugin at pukpukin ng baril ang isang Valenzuela City traffic enforcer.
Sinampahan ng mga kasong grave threat at physical injuries sa Office of the City Prosecutor sa Valenzuela City ang dalawang parak na hindi ipinabatid sa media ang mga pangalan.
Habang sakay ng kanyang mototsiklo ang traffic enfocer sa M.H. Del Pilar sa Brgy. Mabolo, Valenzuela City dakong alas-4 ng umaga noong Hulyo 14 nang mapansin niya ang dalawang lalaking sakay ng motorsiko ngunit walang suot na helmet.
“Papunta po ako sa opisina namin tapos nakita ko sila sa kanto ng Bisig, nasa labas po sila wala po mga helmet. Pero hindi po sila sinita…. habang tumatakbo po kami… nakatingin sa akin na nakangiti po, yun nga po wala silang mga helmet,” sabi ng biktima nang iharap siya sa isang press conference ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian.
“Napatingin lang po ako sa kanila, sasabihan ko sana iyon nga po wala silang mga helmet, tapos sa unahan ko banda, bigla nila akong ginitgit at sinabi po sa akin… na ‘Sama mo makatingin ha!’,” dagdag ng traffic enforcer.
“Nandito po sa left niya po at naka ready po yung kamay niya po sa akin, tapos yung kanan niya kamay nandito rin po sa baril niya po.”
Nang alisin niya ang kamay ng pulis ay nagalit ito ang pinalo siya ng baril sa kanyang tagiliran.
“Sinabi ko na lang po na ‘lima anak ko sir’, habang nahihirapan ako huminga sabi ko, lima anak ko. ‘Yun pala umalis ka na rito! Labas ka na tito, babarilin kita e!’,” aniya.
Nagalit si Gatchalian nang mabatid ang insidente.
“I think the suspects, the reason kung bakit sila nagpunta ng Valenzuela ay para mag-inuman so more or less they are intoxicated the moment na nangyari po ito,” sabi ng alkalde.
“Sa lahat ng mga kawani, wag po pumayag na magpabastos sa ilang mga kapulisan, ang masakit pa kapulisan na hindi taga-Valenzuela. Huwag kayo matatakot na gawin ang kailangan niyo gawin basta alam niyo na tama ito,” giit ni Gatchalian.
Ikinatuwa ng traffic enforcer ang naging aksyon laban sa mga pulis.
“Kala ko po katapusan ko na noong araw na iyon… Salamat na lang po at nahuli ninyo ang tao na iyan. Hindi sila dapat humawak ng barik at manakit ng kapwa nila. Ngayon po nangangamba ako sa buhay ko baka balikan nila ako,” lahad ng traffic enforcer.
Tiniyak ni chief BGen. Arnold Thomas Ibay na iimbestigahan ang insidente, sinampahan na ng kasong administratibo ang mga sinibak na pulis at kinompiska ang kanilang mga baril. (ROSE NOVENARIO)