Mariing kinondena ng Makabayan co-chairperson na sina France Castro, Arlene Brosas, at Raoul Manuel ang kumakalat na walang pirma na pahayag sa social media, na tinawag nilang desperadong pagtatangka upang ilihis ang atensyon mula sa mga kasong kriminal ni Rodrigo Duterte sa International Criminal Court at sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
“Lubhang kahina-hinala ang timing ng walang pirma na pahayag na ito at malinaw ang tunay na layunin: siraan ang lehitimong mga imbestigasyon laban sa mga Duterte sa pamamagitan ng pagpapakita na ito ay may politikal na motibo at pinondohan ng kanilang mga kalaban sa politika,” anila.
“Ito ay klasikong taktika ng Duterte—kapag nasusukol ng ebidensya ng kanilang mga krimen at korapsyon, gumagawa sila ng kasinungalingan at ina-atake ang kanilang mga tagapag-akusa,” dagdag nila
Ayon sa kanila, gawa-gawa at walang basehan ang mga paratang, na layong takutin at siraan ang mga naglantad ng korapsyon at pang-aabuso ng mga Duterte.
Wala anila itong legal na bisa at nagpapakita lamang ng desperasyon ng mga nasa likod ng black propaganda.
“Kapansin-pansin na partikular na tinatarget ng pahayag ang mga kinatawan ng Makabayan na aktibong nakilahok sa mga pagdinig ng Quadcomm at mga imbestigasyon sa Kamara na naglantad sa korapsyon at pang-aabuso ng mga Duterte,” giit nila.
“Ito ay malinaw na paghihiganti at pagtatangkang patayin ang kredibilidad ng mga kumilos upang ilantad ang katotohanan. Ang mga paratang ay walang iba kundi tsismis at guilt by association, walang anumang konkretong detalye o ebidensya.”
Giit ng Makabayan, hindi sila mananahimik. Patuloy silang lalaban para sa hustisya at pananagutin ang tiwaling makapangyarihan, gaano man karaming kasinungalingan ang ibato laban sa kanila. (ROSE NOVENARIO)