HIHILINGIN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa Korte Suprema na ipatigil ang pagtanggap ng Commission on Elections (Comelec) sa mga nakalap na pirma para sa people’s initiative upang isakatuparan ang charter change (Cha-cha).
Sinabi ni Pimentel sa isang press briefing na tutuon ang kanyang petisyon sa pagkuwestiyon sa patuloy na pagtanggap ng Comelec sa mga dokumento at kung bakit tila alam ng poll body kung ano ang gagawin sa mga ito.
“Most likely prohibition. Kasi ministerial duty daw, pero saan galing ‘yun?” aniya.
Wala aniyang batas na nagsasaad na maaaring isatuparan ito lalo na’t may naging desisyon na ang Korte Suprema na nagsabing ang Republic Act No. 6735, o ang Initiative and Referendum Act, ay “insufficient to support people’s initiative.”
Maliban aniya sa SC, maaaring maghain ang mga senador ng special proceedings sa Comelec para sabihin sa ahensya na ihinto ang mga aktibidad na may kinalaman sa pagtanggap ng mga pirma para sa people’s initiative.
Nauna rito’y tinukoy ni Pimentel si House Speaker Martin Romualdez bilang nasa likod ng people’s initiative.
“From the reports that we have been getting, members of the House of Representatives. And sa House ba may kikilos ba diyan nang walang kumpas mula sa leader nila?” sabi ni Pimentel sa panayam sa ANC.
“So, therefore, if the reports actually point to members of House of Representatives and our conclusions will point to the leader of the House of the Representatives, no less than the speaker,” dagdag niya.
“So pag itong people’s initiative ay pumasa, lahat ng amyenda sa Constitution posibleng manggaling lang sa pag-iisip at utak ng isang tao tapos makukuha na niya ang 3/4s vote.” (ROSE NOVENARIO)