Sun. Aug 16th, 2026

Binatikos ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla laban sa Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil umano sa kabiguan nitong maghatid ng de-kalidad na gusali ng pamahalaan sa kabila ng bilyon-bilyong pondo.

Sa kanyang programa sa DZRH nitong Sabado, binanggit ni Remulla ang ₱9-bilyong University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) Cancer Center na hindi nakakuha ng bidder, gayundin ang ₱8-bilyong gusali ng Bureau of Immigration (BI) na aniya’y “sampung taon nang ginagawa.”

Pinayuhan din niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na huwag nang magpatayo ng bagong gusali at sa halip ay bumili na lamang ng umiiral na pribadong estruktura.

Tinuligsa rin ni Remulla ang flood control project sa Cebu kung saan mula sa orihinal na 63 metro ang lapad ng ilog, ibinaba ito sa 25 metro.

“Wala tayong maasahan sa DPWH,” giit niya, sabay dagdag na mas maganda pa ang mga lumang gusali ng pribadong sektor kaysa sa mga bagong ipinatatayo ng gobyerno.

Samantala, agad na sumang-ayon si DPWH Secretary Vince Dizon sa obserbasyon ng Ombudsman, at iginiit na ang Public-Private Partnerships (PPPs) ang mas maaasahang opsyon para sa malalaking proyekto habang hindi pa lubos na nareporma ang sistema ng ahensya. “Sa PPPs, matitiyak ang kalidad, oras, at tipid na nararapat sa publiko,” ani Dizon.

Ipinahayag din ni Dizon ang pagkadismaya sa BI building na aniya’y may disenyong “hindi makayanan ang normal-sized na sasakyan sa driveway.” Dagdag pa niya, handa siyang makipag-usap kay NBI Director Melvin Matibag upang ihinto ang proyekto at maghanap ng mas praktikal na alternatibo.

Tiniyak ni Dizon na makikipagtulungan ang DPWH sa Ombudsman upang “agresibong itulak ang reporma sa loob ng departamento” sa panahon ng kanyang panunungkulan. # (RRN)

By admin