Photo Courtesy: GMA News
Nagbabala si Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) president Renato Reyes na patuloy na lulubog ang bansa sa utang at kawalan ng serbisyong panlipunan, matapos ilantad ang plano ng administrasyong Marcos na maglaan ng ₱2.7 trilyon para sa debt servicing sa 2027 — katumbas ng 37.5% ng kabuuang ₱7.2 trilyong pambansang badyet.
Sa kanyang paskil sa Facebook, binigyang-diin ni Reyes ang halos ₱700 bilyong pagtaas mula sa ₱2.1 trilyon noong nakaraang taon, na noon ay 30% ng badyet.
Aniya, hindi malinaw kung anong mga obligasyong magma-mature ang babayaran, at bakit ang serbisyong panlipunan ang unang isinasakripisyo.
“Nagbabayad tayo ng malaking utang upang makautang muli,” giit ni Reyes, sabay akusasyon na ang pangungutang ay hindi para sa kapakinabangan ng taumbayan kundi para sa mga korporasyon at interes ng naghaharing uri.
Binanggit din ni Reyes na sa unang apat na taon ni Marcos, umabot na sa ₱10.3 trilyon ang gross borrowings — mas mataas kaysa ₱9.4 trilyon na inutang ni Duterte sa loob ng anim na taon.
Iniuugnay niya ang pagtaas ng utang sa malawakang katiwalian sa pamahalaan, kabilang ang mga proyekto sa flood control at iba pang imprastruktura.
“The regime says we must keep paying debt obligations so we can keep borrowing funds. But what really are we borrowing for when social services are being cut?” tanong ni Reyes, sabay babala na patuloy na malulubog ang mamamayan sa kawalanghiyaan ng mga “burukrata kapitalista.” # (ROSE NOVENARIO)