Inamin ni dating Office of the Vice President (OVP) Special Disbursing Officer Gina Acosta na naglabas siya ng kabuuang ₱500 milyon na confidential funds noong 2022 at 2023 para kay Col. Raymund Lachica, alinsunod sa utos ni Vice President Sara Duterte.
Sa direktang pagtatanong ni private prosecutor Amando Ligutan, kinompirma ni Acosta ang nauna niyang testimonya na si VP Sara mismo ang nag-utos na ipasa ang ₱125 milyon sa 2022 kay Lachica.
“Yes, Your Honor. Siya (Lachica) lang ‘yung may alam on how to implement ‘yung confidential activities,” sagot ni Acosta.
Dagdag pa niya, ipinasa rin niya ang ₱375 milyon na confidential fund allocation para sa 2023 kay Lachica sa parehong dahilan.
Ngunit nang tanungin ni Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero kung pinahihintulutan ng Joint Circular 2015-01 ang isang security officer na mag-disburse ng confidential funds, umamin si Acosta: “Hindi po [trabaho iyon ng security officer], Your Honor. Trabaho po ‘yan ng…disbursing officer, Your Honor. Pero, pag na-release ko na po ang pera sa kanya, Your Honor, pinareceive ko sa kanya, Your Honor, magbigay po siya sa akin ng utilization report.”
Ipinaliwanag ni Acosta na ginawa niya ito dahil si Lachica ang itinalagang security officer ng OVP: Hindi ko ibibigay kung hindi siya (Lachica) ang designated security officer [ng OVP].” # (RRN)