: Customs Commissioner Ariel Nepomuceno
Sinibak ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno na inalis sa puwesto ang district commander ng Port of Zamboanga Enforcement and Security Services, ama ng umano’y suspek sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School, matapos ang insidente na ikinasawi ng dalawang estudyante.
Ayon kay Nepomuceno, ang hakbang ay para bigyang-daan ang isang impartial investigation kaugnay ng posibleng kapabayaan sa paghawak ng baril na nakatalaga sa naturang opisyal.
“Wala siyang direktang kinalaman sa pamamaril ng kanyang anak. Malaking trahedya ito sa kanilang pamilya. Pero may pananagutan ang sinumang inisyuhan ng baril,” aniya.
Batay sa ulat ni Interior Secretary Jonvic Remulla, isang Grade 9 na estudyante ang umano’y gumamit ng pistol at rifle sa insidente nitong Martes ng umaga, na ikinasawi ng isang Grade 10 na estudyante.
Samantala, nanawagan si House Deputy Minority Leader Antonio Tinio ng ACT Teachers Party-list ng komprehensibong suporta para sa mga estudyante at pamilya, at humiling ng imbestigasyon ng Kongreso sa sistematikong pagkukulang na nagdudulot ng karahasan sa mga paaralan.
“Manifestasyon ng kultura ng karahasan na pumasok sa ating mga paaralan ang patuloy na pagkakaroon ng mga mararahas na pangyayari sa loob ng kampus. Normalisado at itinanim sa isip ng maraming kabataan ang kultura ng karahasan dahil sa mga extrajudicial killings ng mga nakaraan at kasalukuyang administrasyon. Pati na din ang patuloy na karahasan at panunupil sa mga taong naghahangad ng pananagutan at paggalang sa karapatang pantao,” aniya.
Giit niya, hindi sapat ang mga punitive o security-centered na tugon, at dapat tutukan ang kakulangan sa guro, guidance counselors, at mental health programs.# (ROSE NOVENARIO)