Binatikos ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio si Palace Press Officer Claire Castro matapos umano nitong ilihis ang mahalagang talakayan hinggil sa kaligtasan ng mga paaralan.
“Yung napakahalagang talakayan tungkol sa school safety naging paniningil sa mga guro at tamang modo. Presidential Spokesperson Usec. Claire Castro has blatantly hijacked the discussion,” ani Tinio.
Giit niya, sa halip na harapin ng Malacañang ang mga sistemikong problema—mula sa kapabayaan ng mga gun owners, chronic underfunding ng mga paaralan, kakulangan ng mental health services, hanggang sa kultura ng impunity—itinutok ni Castro ang usapan sa umano’y maling asal ng ilang guro sa social media.
“There are remedies available to those aggrieved by online posts, unlike victims of school shootings. Ano ang ginagawa ng Malacañang para hindi na maulit ito? Yun ang ipaliwanag mo,” dagdag ni Tinio.
Binigyang-diin ng mambabatas na tungkulin ng pamahalaan na sagutin ang mga pagkukulang na nag-iiwan sa mga paaralan na lantad sa panganib, imbes na ibaling ang sisi sa mga guro. # (ROSE NOVENARIO)