ni Renato Reyes Jr., Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Ptesident
Ngayong lubog na naman ang maraming bayan, di maiwasang maisip ang galit na sumambulat noong nakaraang taon dahil sa mga palpak at korap na flood control projects.
Sa Setyembre 21 ang unang anibersaryo ng malawakang protestang kontra-korapsyon sa Luneta, EDSA, Mendiola, at iba pang bahagi ng bansa. Naging simbolo ito ng galit ng taumbayan laban sa walang-kahihiyang katiwalian sa pamahalaan. Naging angkop din ang pagkilos sa anibersaryo ng Martial Law ni Marcos Sr. na nagdulot ng lansakang paglabag sa karapatang pantao at talamak na pagnanakaw.
Nagmartsa at nagprotesta ang libo-libong mamamayan dala ang panawagang: “Ikulong ang mga kurakot!” at “Lahat ng sangkot, dapat managot!”. Marami ang inaresto sa Mendiola at ang ilan ay kumakaharap pa rin sa mga gawa-gawang kaso hanggang ngayon.
Isang hindi makakalimutang kaganapan ang Setyembre 21, 2025. Ito ang unang beses na nagprotesta ang marami nating kababayan—kung saan nagkaisa ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, artista, propesyunal, lider-simbahan, at mga akademiko. Hindi ko malilimutan ang rally na ito dahil dinala ako sa ospital nang matamaan ng bato sa mukha sa Mendiola. Sa kabila nito, kinasuhan pa ako ng inciting to sedition kasama ang ilang lider-kabataan—kaso na hanggang ngayon ay wala pang resolusyon sa Department of Justice (DOJ).
Sa kabila ng matinding galit ng publiko, may nagbago ba pagkalipas ng isang taon? Bakit patuloy tayong binabaha at baon sa utang habang ang mga makapangyarihan ay nagpapakasasa?
Sa nakalipas na taon, nabuo ang Independent Commission on Infrastructure Corruption ngunit nabuwag din pagkaraan ng ilang buwan. Bagamat may mga senador, kontratista, at opisyal ng DPWH na kinasuhan, nalantad na ang sistema ng kickback ay umaabot mismo sa Malacañang sa pamamagitan ng bilyon-bilyong budget insertions.
Bukod dito nangyari na:
2026 National Budget: Nananatili ang mga pork barrel projects, confidential at intelligence funds, at LGU pork.
Ekonomiya at Utang: Sa gitna ng krisis sa langis, kakarampot ang ayudang ibinigay sa masa at ayaw biitwan ni Marcos ang VAT at excise tax sa langis. Lumobo ang pambansang utang sa mahigit ₱19 trilyon—at naungusan na ni Marcos Jr. sa loob ng apat na taon ang kabuuang inutang ng rehimeng Duterte sa anim na taon.
Pagbebenta ng Likas na Yaman: Sa ngalan ng pekeng “kaunlaran, ibinibenta ang Pilipinas sa mga dayuhan sa ilalim ng Pax Silica initiative ng US. Nakapila na ang mga dayuhang korporasyon na magbubungkal at magmimina sa ating kabundukan at mangangamkam ng lupa at likas yaman ng ating bansa. Kaakibat nito ang mabangis na militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao lalo na sa kanayunan.
Ngayong laganap ulit ang pagbaha mula Maynila, Bulacan, Zambales hanggang Davao, at pinalaki pa ang pondo para sa korapsyon sa pambansang badyet (ibinalik na ang flood control projects sa nationl budget), lalong nagiging makatwiran ang magprotesta.
Sa bawat pagbaha at pinsala, sa bawat sigaw ng hustisya, sa bawat pagbuwag sa mga barikada at protesta, nakikita natin nang malinaw na bulok ang umiiral na sistema, at kailangan itong baguhin. Ang mga nagnanakaw sa bayan, ang nagtutulak ng Pax Silica, ang mga nasa likod ng pagmimina sa Nueva Vizcaya, ang mga nagbebenta ng ating bayan sa dayuhan – lahat sila ay bahagi ng isang sistemang naglilingkod lang sa iilan, hindi sa mamamayan.
Sa paglapit ng Setyembre 21, itanong natin sa mga nasa kapangyarihan, ano na ang nangyari sa usapin ng pananagutan? Bakit business as usual pa rin ang mga korap at abusado sa gobyerno? Bakit lubog pa rin sa baha ang Bulacan at maraming mga bayan?
Hindi lang paggunita, kundi nagpapatuloy na paglaban ang dala ng papalapit na Setyembre 21. Kung nagagalit ka sa paulit-ulit na pagbaha, pagnanakaw, at pagsasawalang-bahala ng mga nasa pwesto, may magagawa ka. Makibaka para sa tunay na pagbabago, para sa pambansang demokrasya, para sa isang Pilipinas na malaya sa mga kurakot at mapagsamantala.
Kita-kits muli.#