Mon. Oct 19th, 2026

Hinala ni DILG Secretary Jonvic Remulla na dati nang nagpupuslit ng illegal drugs sa bansa ang pilotong si Rioklyn “Boyet” Pizzaras Toledo gamit ang kabaong bunsod ng negosyo nitong air ambulance service.

Si Toledo umano ang nag-procure ng aircraft sa Malaysia na iniuugnay sa P3.5-B shabu na nasabat sa Laos patungo sana sa Pilipinas.

“Si Boyet Toledo, siya yung nag-procure ng flight from Malaysia to Laos to the Philippines. Siya yung nagpunta sa Malaysia,” sabi ni Remulla sa programang Headstart sa ANC.

“Toledo runs an air ambulance service. We suspect he has flights to Thailand, Malaysia air ambulance.Nagpi-pickup siya ng cadaver. Ang suspect namin ang dating operations niya ay naglalagay siya ng drugs sa loob ng mga kabaong para dalhin dito sa Pilipinas. Hindi lang nahuhuli, hindi naman dumadaan ang aso sa box ng patay,” paliwanag ni Remulla.

Suspetsa niya, ito ang dating modus operandi ng grupo ni Toledo at ngayo’y sumubok ng bagong ruta papunta sa Pilipinas.

“So we suspect that was their MO (modus operandi) before and ngayon nagsubok sila ng bagong route papunta rito,” anang kalihim.

Nasa Pilipinas pa aniya si Toledo at nananatili pa ring person of interest.

Hindi pa aniya nasasampahan ng kaso ang mga sangkot sa Laos drug bust habang hindi pa tapos ang imbestigasyon ng tatlong bansa, Pilipinas, Laos at Malaysia.

Itinanggi kamakailan ni Toledo ang mga paratang laban sa kanya at sinabing kusa siyang humarap sa mga awtoridad para makipagtulungan sa imbestigasyon. # (RRN)

By Web Dev