INANYAYAHAN ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy ang lahat ng kanyang mga manggagawa at miyembro na magpunta sa Davao City para sa ilulunsad nilang prayer rally cum hunger strike sa Rizal Park.
Ito ang nakarating na impormasyon kay Arlene Stone, isang dating miyembro ng KOJC na nakabase sa US at biktima umano ng sekswal na pang-aabuso ni Quiboloy, mula sa mga dating kasamahan na nasa loob pa ng grupo.
“Ang update ko ngayon, Quiboloy has been asking all his workers and members to fly to Davao City because they are planning to conduct a hunger strike sa Rizal Park. At inaaanyayahan ang lahat ng kanyang members and followers to be there for him,” sabi ni Stone sa kanyang video sa Facebook.
“They are preparing heavy arms. Alam natin ang ugnayan ni Quiboloy at Duterte,” dagdag niya.
“This weekend ang plano po nila ay mag-gather sila sa Rizal Park upang dyan isagawa ang hunger strike, tinatawag nilang prayer rally but it’s also a hunger strike. Ang kanila pong workers from different parts of the world ay kanila pong pinapauwi na,” sabi ni Stone.
Nanawagan siya sa mga residente ng Davao na maging mapagmanman sa kanilang paligid upang hindi umano madamay sa balak na pagtitipon ni Quiboloy.
“Hindi po magiging peaceful ang pag-aresto kay Quiboloy kasi nagpe-prepare sila to have a bloody battle sa ating mga government officials, mga kapulisan at sa mga involve po sa pag-aresto kay Quiboloy,” wika niya.
Parehong naglabas ng subpoena ang Mababang Kapulungan at Senado laban kay Quiboloy para dumalo sa mga pagdinig sa susunod na buwan kaugnay sa isyu ng prangkisa ng SMNI at mga sekswal at pisikal na pang-aabuso sa mga miyembro ng KOJC.
Kapag hindi pa rin dumalo si Quiboloy sa mga imbestigasyon ng Kongreso ay ipadarakip siya. (ZIA LUNA)