Thu. Nov 21st, 2024
House Speaker Martin Romualdez

INILILIHIS ni Kingdom of Jesus Christ founder at umano’y sex offender Apollo Quiboloy ang atensyon ng publiko palayo sa mga kasong kriminal na kanyang kinakaharap sa pamamagitan nang paghahabi ng “conspiracy theory.”

“The claims of connivance with foreign entities for illicit activities are unfounded and divert attention from the serious legal matters at hand,” pahayag ni House Speaker Martin Romualdez kasunod ng akusasyon ni Quiboloy na nakikipagsabwatan sa US government at gobyerno ng Pilipinas, partikular sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos para siya itumba.

Tiniyak ni Romualdez na nakatuon ang atensyon ng pamahalaan ng Pilipinas sa paglilingkod sa sambayanang Filipino at panatilihin ang maayos na relasyon sa ibang bansa na hindi sumasawsaw sa mga kriminal na aktibidad.

Hinikayat niya si Quiboloy na harapin ang mga kasong kriminal sa pamamagitan ng legal na proseso.

Itinuturing na Most Wanted ng Federal Bureau of Investigation (FBI) si Quiboloy bunsod ng mga kasong Conspiracy to Engage in Sex Trafficking by Force, Fraud and Coercion, at Sex Trafficking of Children; Sex Trafficking sa pamamagitan ng Puwersa, Panloloko, at Pagpipilit; pagsasabwatan; at Bulk Cash Smuggling.

Nagbabala ang Kongreso na ipaaaresto kapag hindi sumipot si Quiboloy sa pagdinig sa Mababang Kapulungan kaugnay sa prangkisa ng SMNI,media arm ng KOJC, sa Marso 12 at imbestigasyon sa Senado hinggil sa mga sekswal at pisikal na pang-aabuso sa mga miyembro ng sekta sa Marso 5. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *