Thu. Nov 21st, 2024
US Embassy in the Philippines Facebook profile photo

KOMPIYANSA ang US Embassy sa Pilipinas na haharapin ni Kingdom of Jesus Christ founder at umano’y sex offender Apollo Quiboloy ang heinous crimes na isinampa laban sa kanya sa Amerika kaya siya nalagay sa Most Wanted List ng Federal Bureau of Investigation (FBI).

Inihayag ito ng Embahada kasunod ng akusasyon ni Quiboloy na nagsasabwatan ang US government at ang pamahalaan ng Pilipinas, partikular sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos para siya’y itumba.

Giit ng Embahada, si Quiboloy ay mahigit isang dekada nang sangkot sa seryosong pang-aabuso sa karapatang pantao, kabilang ang isang pattern ng sistematiko at malaganap na panggagahasa sa mga batang babae na kasing edad ng 11 taong gulang at iba pang pisikal na pang-aabuso.

Pinaghahanap siya ng FBI bunsod ng mga kasong Conspiracy to Engage in Sex Trafficking by Force, Fraud and Coercion, at Sex Trafficking of Children; Sex Trafficking sa pamamagitan ng Puwersa, Panloloko, at Pagpipilit; pagsasabwatan; at Bulk Cash Smuggling.

Nagbabala si Sen. Risa Hontiveros na ipadarakip si Quiboloy kapag hindi sumipot sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa Marso 5.

“Huwag pong pa-victim. Ang hinihiling ko lang sa inyo ay humarap sa legal na proseso. Kasama ang proseso ng Senate investigation. Huwag ‘nyo pong dalhin sa lengguwahe ng patayan dahil iyan ang nakasanayan ‘nyo,” anang senador sa isang video message.

“Our next hearing is on March 5. If Mr. Quiboloy does not show up, I will cite him in contempt. And have him arrested.”

Maging ang House Committee on Legislative Franchises ay nagbanta rin na ipaaaresto si Quiboloy kapag inisnab ang pagdinig kaugnay sa prangkisa ng SMNI, media arm ng KOJC. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *