Thu. Nov 21st, 2024
Ex-KOJC member at SMNI researcher alyas “Rene”

ISINIWALAT ng isang dating miyembro ng Kingdom of Jesus Christ at Sonshine Media Network International (SMNI) researcher na nakita niya sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte na lumabas ng Glory Mountain ni Apollo Quiboloy na dala ang mga bag ng iba’t ibang arnas.

Inilahad ito ni alyas “Rene” sa pagharap sa imbestigasyon ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros kanina.

Ang Glory Mountain aniya ay isang malawak na lupain na pagmamay-ari ni Quiboloy sa paanan ng Mt. Apo, ang pinakamataas na bundok sa Pilipinas sa liblib na bahagi ng Calinan District sa Davao City.

Dinadala aniya sa Glory Mountain ang mga miyembro ng KOJC bilang parusa at para magsilbing landscaper.

Sinabi ni “Rene” na may pagkakataon na nakita niyang dumating si Quiboloy lulan ng isang chopper na may mga bag na naglalaman ng mga armas na inilatag  sa lupa malapit sa tent sa mansion ng sect leader.

Mahigpit aniya ang tagubilin sa kanila na huwag ipagsasabi ang anomang nakita sa Glory Mountain.

Magugunitang si Quiboloy at anim na iba pang miyembro ng KOJC ay nabilanggo sa Honolulu noong Pebrero 2018 nang matagpuan ng US customs agents ang $350,000 at rifle parts sa sinasakyan niyang private plane.

Isa sa most wanted ng Federal Bureau of Investigation (FBI) si Quiboloy sanhi ng mga kasong sex trafficking, fraud, smuggling, at iba pa.

Habang si Duterte ay ipinarehistro sa kanyang pangalan ang may 358 iba’t ibang kalibre ng armas bago siya bumaba sa poder noong 2022.

Nang mapaulat na ilalabas na ng International Criminal Court (ICC) ang arrest warrant laban sa kanya sa kasong crimes against humanity, nagbabala si Duterte na manlalaban sa sinomang dadakip sa kanya at babarilin sila. (ZIA LUNA)

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *