HINILING ng retiradong empleyado ng IBC-13 sa Malakanyang na imbestigahan ang management ng sequestered television network kaugnay sa hindi patas na pagbabayad sa kanilang retirement benefits at hinimok ang mga opisyal ng Palasyo na ipaalis ang quit claim affidavit na pinapipirnahan sa kanila kahit hindi pa naibibigay ang lahat ng benepisyong dapat nilang matanggap.
Sa electronic mail na ipinadala kina Executive Secretary Lucas Bersamin, Budget Secretary Amena Pangandaman at Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil noong 7 Pebrero 2024, nakasaad ang kanyang pagkabahala sa ipinatutupad ng IBC management na requirement na pirmahan ng retirees ang quit claim affidavit para maipa-notaryo noong 23 Enero 2024, sa kabila ng hindi pa nila natatanggap ang lahat ng retirement benefits at unpaid benefits.
‘The primary issue centers around the acknowledgment of quit claims without actual payment, citing the GAA Appropriation Law of the government as justification. This approach poses challenges that warrant careful consideration,” sabi sa liham.
Labindalawang araw na ang nakalipas, wala pa rin tugon sina Bersamin, Pangandaman at Garafil sa hinaing ng retiradong kawani ng sequestered network.
Matatandaan sa ginanap na budget hearing sa Senado noong nakaraang taon, humiling si IBC-13 President at CEO Jose “JimPol” Policarpio ng P500-M pondo para pambayad sa 160 retiradong empleyado.
Attached agency ng PCO ang sequestered network. (ROSE NOVENARIO)