PINATUNAYAN ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na wasto ang kasabihan,” Kung ano ang puno, siya rin ang bunga,” nang tadtarin ng mura at pang-iinsulto ang kanyang talumpati gaya nang nakagawian ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa Hakbang Maisug Candlelight Prayer Rally sa Cebu City, tinawag na Putang Ina ni Baste ang People’s Initiative kasabay nito’y minaliit ang kakayahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Either hindi mo kayang i-handle ang gobyerno o tinotolerate mo lang,” wika ni Baste patungkol kay Marcos Jr. sa Visayan dialect.
Tinawag din niyang scam ang pangako ni Marcos Jr. na ibabalik sa P20/kilo ng bigas noong 2022 presidential elections.
“Ang pinaka nakakatawa sa lahat? Yung P20/kilo na bigas. Diyan ka nagkakamali. Scam ang tawag niyan,” aniya.
Matatandaan sa kanyang presidential bid noong 2016 ay ipinangako ni Digong na tatapusin ang problema sa illegal drugs sa loob ng 3 buwan ngunit hanggang matapos ang kanyang termino ay itinuturing pa rin itong malalang suliranin sa bansa at mahigit 6,000 katao ang napatay, batay sa datos ng gobyerno.
Bago matapos ang kanyang talumpati ay lumabas din ang tunay na “hugot” ni Baste, “Kung ano ang nasimulan ni Duterte, sana pinagpatuloy. Hindi yung kailangan kalabanin ang previous administration.”
“Asking for respect? I can give respect, siguraduhin niyong dapat respectable kayo,” sabi pa niya. (ROSE NOVENARIO)