GUSTO ni Sen. Robin Padilla na hubaran ng maskara o magpakilala sa publiko ang mga testigo laban kay Kingdom of Jesus Christ founder at umano’y sex offender Apollo Quiboloy kahit pa narinig niya sa pagdinig sa Senado na marami na ang napatay na mga dating miyembro ng sekta matapos tumiwalag.
Sa halip na ang kanyang supporter na si Quiboloy ang himukin na dumalo sa imbestigasyon ng Committee on Women, Children and Family Relations na harapin ang mga nag-aakusa sa kanya, ang mga saksi pa na naging biktima ng sect leader ang hinamon niyang magpakilala at alisin ang mga takip sa mukha.
Tila nagsilbing abogado pa ni Quiboloy si Padilla at ipinagtanggol ito na ni minsan daw ay hindi siya hiningian ng pera kahit kilala siya bilang artista na namimigay ng pera.
“Ang gusto ko lamang po sabihin sa ating pagdinig, kung ang ating mga matatapang na witness ay nakakapagsalita patungkol kay Pastor Quiboloy, ako din po ay malayang magsasalita , hindi po ako kailanman kahit na sino sa Kingdom of Jesus Christ ay hiningan ng pera, not even once,” sabi ng senador.
Nailabas na ang subpoena laban kay Quiboloy matapos lagdaan ito ni Senate President Juan Miguel Zubiri.
“Huwag ‘nyo ismolin ang Senado, hindi kami titigil hanggang hindi nakakamit ang hustisya at kapayapaan,” mensahe ni Hontiveros para kay Quiboloy. (ROSE NOVENARIO)