TILA “kumupas” na ang memorya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa nakalipas na isang buwan.
Sa pulong balitaan sa Davao City kagabi, tahasang itinanggi ni Duterte na inakusahan niya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isang drug addict.
Noong 28 Enero 2024, sa ginanap na prayer rally sa naturang lungsod ay tinawag niyang bangag si Marcos Jr. at nakita niya ang pangalan sa watch list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong siya’y alkalde pa lamang, na itinanggi ng nasabing ahensya.
Lumambot din si Duterte sa nauna niyang panawagan na magkaroon ng isang Mindanao na hiwalay sa Republika ng Pilipinas.
“I would repeat it now and forever: I do not want my country dismembered. I do not want a part of my country taken away. I do not want my country to be disturbed physically even the slightest. It goes for Luzon hanggang Jolo,” aniya kagabi.
“Nagising ako sa mundong ito ,Republic of the Philippines. For as long as I live it will be the same Republic of the Philippines,” dagdag niya.
Sa prayer rally noong Enero, itinuro niya si Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez na pasimuno ng One Mindanao at magiging “taguan” niya kapag lumabas na ang arrest warrant laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity.
Taliwas din sa dati niyang pagkontra sa hakbang na amyendahan ang 1987 Constitution, pabor na ngayon si Duterte sa Charter change basta economic provision lamang ang babaguhin. (ROSE NOVENARIO)