HINDI lang UniTeam ng administrasyong Marcos ang nabiyak na, maging ang tinaguriang “Kakampinks” o grupo ni dating Vice President Leni Robredo ay tila may lamat na rin ang samahan.
Naging konklusyon ito ng ilang political observers matapos mistulang pinaringgan ni dating Sen. Antonio Trillanes IV si Robredo sa mensaheng kanyang ipinaskil sa Facebook.
Sinagot ni Trillanes ang nakarating sa kanyang impormasyon na binatikos ng “hardcore Kakampinks’”ang si dating Pangulong Rodrigo Duterte lang nakatuon ang kanyang atensyon.
Katuwiran ni Trillanes, sinuong niya ang napakabigat na paglaban para panagutin ang aniya’y pinakamalupit, pinakatiwali at pinakabalasubas na naging pangulo ng bansa.
Bagama’t humingi ng paumanhin ang dating senador sakaling may mga pagkukulang ang kanilang grupong Magdalo sa pagtutok sa ibang isyu, ipinanukala niya sa mga kritiko mula sa “hardcore Kakampiks” na kalabitin ang iba nilang leader para itulak ang mga importanteng adbokasiya ng kanilang pangkat.
Mula matalo sa 2022 presidential elections, hindi na kumibo si Robredo sa kahit anong isyu sa politika o alinmang kaganapan sa bansa.
Si Trillanes ay isa sa mga hindi pinalad na manalo sa mga senatoriable ng Kakampink ni Robredo noong 2022 elections pero nitong mga nakalipas na buwan ay nagbibigay ng mga update sa kinakaharap na kasong crimes against humanity laban kay Duterte sa International Criminal Court (ICC) bilang isa sa mga naghain ng reklamo.
Noong Enero 2024 ay inihayag ng dating senador ang kanyang planong kumandidato sa pagka-alkalde ng Caloocan City sa 2025 midterm elections. (ROSE NOVENARIO)