KINONDENA ni Senador Sherwin Gatchalian ang kabiguan ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) na maayos na pangasiwaan ang isang lisensyadong Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), na ngayon ay tinatawag nang Internet Gaming Licensee (IGL), sa Tarlac na napatunayang sangkot sa iba’t ibang kriminalidad, kabilang ang human trafficking at serious illegal detention.
“Ang kabiguan ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno, tulad ng PAGCOR, na pigilan ang malalaking sindikato sa Pilipinas ay patuloy na sumisira at nagdudulot ng banta sa kaligtasan at seguridad ng bansa,” sabi ni Gatchalian, na naghain ng Proposed Senate Resolution No. 977 na naglalayong imbestigahan ang pinakahuling pagsalakay ng pulisya sa pasilidad ng POGO sa Tarlac.
Binanggit ng chairperson ng Senate Committee on Ways and Means na ang March 13 raid na isinagawa sa lugar ng Zuan Yuan Technology, Incorporated, na matatagpuan sa Bamban, Tarlac ay ang pangalawang raid na isinagawa sa parehong lugar, na dating kilala bilang lugar ng operasyon ng Hongsheng Gaming Technology Inc., isa ring lisensyadong POGO operator / IGL.
Ang pagsalakay sa Hongsheng, na naganap noong Pebrero ng nakaraang taon, ay isinagawa kasunod ng isang search warrant dahil sa mga ulat ng cryptocurrency investment scam sa naturang lugar sa nakatago sa kunwari’y operasyon ng POGO. Ang pagsalakay naman noong Marso 13 ay batay sa bisa ng search and seizure warrants dahil din sa mga reklamo ng physical injuries at serious illegal detention laban sa ilang tauhan ng Zun Yuan Tech.
“Kung hindi nagma-maangmaangan ay sadyang walang kakayahan ang PAGCOR na pangasiwaan nang husto ang mga POGO sa bansa. Nakita natin ito sa pagsalakay sa dalawang kumpanya na naganap sa iisang lugar lalo na’t ang ahensya ay may opisina sa ikalawang palapag ng isang gusali sa Zuan Yuan compound kung saan ang ilang kawani ng PAGCOR ay nakatalaga ng 24/7,” sabi ni Gatchalian.
Batay sa bagong Internet Gaming Licensing Regulations na inisyu ng PAGCOR, na nagkabisa noong Hulyo 12, 2023, isa sa mga kwalipikasyon para maging kwalipikado ang isang internet gaming licensee ay dapat may magandang reputasyon ito at hindi dapat nauugnay sa sinumang tao na walang magandang reputasyon.
Ibinunyag din ng mga awtoridad na habang ang Zuan Yuan mismo ay isang PAGCOR licensee, walang sinuman sa mga empleyado nito ang may offshore gaming employee license (OGEL), isang requirement ng PAGCOR para sa lahat ng operasyon ng POGO/IGL sa bansa.
“Nananatiling walang saysay ang pag-overhaul ng mga regulasyon sa pamamahala sa POGOs o IGLs dahil hindi kayang ipatupad ng PAGCOR ang sarili nitong mga patakaran at kaya ang mga manlalaro ng industriya ay patuloy na nasasangkot sa mga kriminal na aktibidad,” sabi ni Gatchalian. (NINO ACLAN)