BINALEWALA ni dating Sen. Antonio Trillanes IV ang babala ng Department of Justice (DOJ) na maaaring masibak ang sinomang opisyal o kawani ng pamahalaan na makikipagtulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa mga patayan sa madugong drug war na ipinatupad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Para kay Trillanes, nananakot lang ang DOJ sa naturang pahayag.
Hindi naman aniya krimen ang makipagtulungan sa ICC bilang isang indibidwal.
Sa ginanap na press briefing sa Malakanyang, binigyan diin ni Clavano, hindi kinikilala ng administrasyong Marcos Jr. ang hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas kaya’t sinoman opisyal ng gobyerno o tagapagpatupad ng batas sa bansa na magkakaroon ng koordinasyon sa ICC ay lihis sa direksyon ng patakaran ng gobyerno kaya’t maaaring masampahan ng kasong paglabag sa ilang probisyon ng Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Nauna rito’y sinabi ni Trillanes na mahigit 50 aktibo at retiradong opisyal ng Philippine National Police (PNP) na sabit sa Duterte drug war ang kinausap na ng ICC.
Tila nagulat ang PNP at DOJ sa naging update ni Trillanes sa isyu bilang isa sa pangunahing naghain ng komunikasyon sa ICC hinggil sa madugong Duterte drug war.
Paulit-ulit ang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr na hindi kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas kaya’t hindi isusuko si Duterte sakaling lumabas ang arrest warrant laban sa kanya.
“Si President Marcos will say what he needs to say but he will do what he needs to do. Kasi sa mga ganyang level, sa level ng presidente or ng administrasyon, there are things that they cannot say kaya i-speculate mo lang, an oba ‘yung nangyari talaga sa likod nito. Is this it o meron pang mga colatilla ‘yan sa baba,” sabi ni Trillanes sa panayam sa Facts First kagabi.
“We will have to wait and see pagdating ng warrant kung ano talaga ang gagawin,” dagdag niya. (ROSE NOVENARIO)