WALANG ipinakitang mga ebidensya si Sen. Robinhood Padilla para patunayan ang kanyang babala na mararanasan ng mga Pinoy ang “no internet, no TikTok, no water, no power, no nothing” kapag patuloy na inalmahan ng Pilipinas ang China, ayon sa Philippines Defense Forces Forum Facebook page.
Inakusahan pa ni Padilla ang mainstream media at ang pamahalaan na iniiwasan na pag-usapan ang nasabing isyu upang protektahan ang interes ng Amerika.
Nauna rito’y inihayag ni Padilla na politika at ang paglaban daw ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy ang dahilan ng mga isinampang kaso laban sa puganteng sect leader gaya ng human trafficking at paglabag sa Anti-Child Abuse Law (Republic Act No. 7610).
Ilang mambabatas umano na nakakiling sa kilusang komunista sa Pilipinas na nagpasimuno ng imbestigasyon laban kay Quiboloy sa Pilipinas ang itinuro ng senador na kaalyado na raw ng liderato ng Kongreso at ilang opisyal ng administrasyong Marcos Jr.
Tila lingid sa kaalaman ni Padilla na bago pa naging pugante sa Pilipinas si Quiboloy ay nasa listahan na siya ng Federal Bureau of Investigation (FBI) Most Wanted Person bunsod ng mga kasong “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, and sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud and coercion; conspiracy; bulk cash smuggling.”
Ayon sa ilang political observer, walang koneksyon ang mga kasong kinakaharap ni Quiboloy sa US at sa Pilipinas sa “paglaban” niya sa Communist Party of the Philippines -New People’s Army (CPP-NPA) lalo na’t ang Amerika, gaya niya, ay numero unong kalaban ng mga kilusang komunista sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.
“Kung parehong kontra-komunista si Quiboloy at ang US, hindi ba dapat ay magkakampi sila? Dapat pag-aralan ni Padilla ang koneksyon ng mga pahayag niya para hindi siya malito, lalo na ang publiko,” anang isang political observer. (ZIA LUNA)