Sat. Nov 23rd, 2024
Sen. Ronald “Bato”dela Rosa

PINAHAHARAP bilang pangunahing resource person ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa Senado bukas ang isang umano’y dating ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na maaaring nasa likod ng “PDEA Leaks” o ang mga dokumentong kumalat sa social media na nag-uugnay kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa illegal drugs.

Bagama’t idineklara ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong 2 Abril 2024 na peke ang pre-operation report at authority to operate on a drug target, na may mga petsang 11 Marso 2012 na kumalat sa social media, ay magsasagawa pa rin ng isang Motu Propio joint public hearing ang Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Dela Rosa at Committee on Justice and Human Rights ni Sen. Francis Tolentino.

Sina Dela Rosa at Tolentino ay mga kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) na pinamumunuan ng dating president.

Noong Enero 2024 unang isiniwalat ni Duterte na nakita niya ang pangalan ni Marcos Jr. sa PDEA watchlist noong siya’y alkalde pa ng Davao City.

Batay sa liham ni Dela Rosa kay Jonathan A. Morales, chairman ng Anti-Drug Advocate Laban ng Pamilyang Pilipino Center for Investigative Regulatory Compliance, na may petsang 24 Abril 2024, inaanyayahan niya ito para dumalo sa joint public hearing at  “ express all your views and comments on alleged PDEA Leaks.”

Ipinasusumite rin ni Dela Rosa kay Morales ang kanyang “written position paper’ hinggil sa usapin at ipadala sa e-mail address ng komite at ng senador.

Nabatid na si Morales ay natanggal sa PDEA noong 2013 dahil sa “grave misconduct, dishonesty, and conduct prejudicial to the best interest of the service,” batay sa ulat ng Manila Standard noong 8 Hunyo 2016.

Ngunit ayon kay Morales, ang PDEA ay may listahan ng maraming political personalities na umano’y nagbibigay proteksyon sa drug syndicates.

Kabilang aniya rito ay “ senators, Cabinet secretaries, governors, mayors, police, and NBI and PDEA officials.”

Sinabi ni Morales na noong Hulyo 2013 ay inimbitahan siya ni noo’y Executive Secretary Paquito Ochoa kung saan ay nagbigay siya ng presentation tungkol sa Chinese drug syndicates na nasa listahan ng PDEA.

Ang mga grupong ito aniya ay may prenteng mga garment business at casino.

Ayon kay Morales, nagduda siya ng hindi ipag-utos ni noo’y PDEA chief Arturo Cacdac Jr. na magsagawa ng operasyon laban sa tinukoy na mga sindikato.

Sa panayam noon kay Cacdac sa GMA News TV, iginiit niya na kaya natanggal sa PDEA si Morales ay nang mag-isyu ito ng isang affidavit na nagsabing inutusan siyang magtanim ng ebidensya sa isang umano’y shabu laboratory ng isang arestadong Chinese pero sa kanyang affidavit of arrest, sinabi niya na ito’y isang buy-bust operation.

Samantala, kung “tatalupan” ng Duterte senators si Marcos Jr. sa “PDEA Leaks”, hindi naman magpapahuli ang Mababang Kapulungan dahil balak na ipatawag sa imbestigasyon sa “gentleman’s agreement” nila ni Chinese President Xi Jinping si Duterte hinggil sa West Philippine Sea. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *