NAIS ni Senador Win Gatchalian na maging prayoridad ang mga mag-aaral na nasa low-income households o yung kabilang sa Listahanan 2.0 sa mga magiging benepisyaryo ng Tertiary Education Subsidy (TES) sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931) o ang Free Higher Education law.
Matatandaang pinuna ni Gatchalian na paunti nang paunti ang bilang ng mga mag-aaral na mula sa low-income households na nagiging benepisyaryo ng TES, na aniya’y salungat sa intensyon ng batas.
Ang TES ay isang uri ng tulong pinansyal na maaaring gamitin sa mga gastusing may kinalaman sa edukasyon tulad ng mga pambili ng aklat, transportasyon, board and lodging, at allowances para sa mga disability-related expenses.
“Nakita natin na sa mga TES grantees, mas dumarami na ang mga benepisyaryo mula sa mga lugar na walang State Universities and Colleges o SUCs at Local Universities and Colleges o LUCs. Nais nating itama ito at manatiling tapat sa intensyon ng batas na bigyang prayoridad ang mga benepisyaryo ng Listahanan 2.0 at mga low-income families,” ani Gatchalian sa kanyang interpellation sa Senado sa gitna ng deliberasyon sa pondo ng Commission on Higher Education o CHED.
Buhat nitong 2nd Semester ng Academic Year (AY) 2022-2023, 79% ng mga benepisyaryo ng TES ang mula sa mga lugar na walang state at local universities and colleges (SUCs at LUCs), samantalang 21% lamang ang mula sa Listahanan2.0, at wala mula sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Noong 2018, 68% ng mga TES grantees ang mula sa Listahanan, 25% ang mula sa mga lugar na walang SUCs at LUCs, at 3% naman ang mula sa mga benepisyaryo ng 4Ps.
Ang Listahanan 2.0 ang sistema ng impormasyon na tumutukoy kung sino at saan ang mga nangangailangan sa bansa, habang ang 4Ps naman ay conditional cash grants sa mga tinaguriang ‘poorest of the poor’ upang iangat ang estado ng kalusugan at edukasyon ng mga batang hanggang 18 taong gulang.
Tinanggap ng Senate Committee on Finance ang panukalang pag-amyenda ni Gatchalian sa Special Provision no. 3 ng 2024 budget ng CHED.
Batay sa panukala ni Gatchalian, bibigyang prayoridad ng Unified Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) ang mga mag-aaral sa ilalim ng Listahanan 2.0 at mga mag-aaral mula sa low-income households na hindi bahagi ng Listahanan 2.0.
Kakailanganing magsumite ng mga mag-aaral na ito ng proof of income sa UniFAST board na namamahala sa pamamahagi ng TES.
Sa pamamagitan ng special provision na ito, nais bigyang diin ni Gatchalian ang intensyon ng Section 7 ng Free Higher Education law. (NIÑO ACLAN)