📷AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. |upi.com
PLANTSADO na ang plano ng Armed Forces of the Philippines para bigyan proteksyon ang mga mangingisdang Pinoy laban sa banta ng China na fishing ban o  paghuli sa mga mamamalakayang Filipino sa mga inaangking teritoryo ng Beijing sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr, may mga nabuo ng plano ang AFP sa sandaling gawin ito sa mga mangingisda ng bansa na magagawi sa WPS.
Tumanggi si Brawner na magbigay ng mga detalye kaugnay sa plano ng AFP.
Makakatulong aniya ng AFP ang Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), mga mangingisda, at iba pang mga ahensiya ng pamahalaan.
Tiniyak ni Brawner na gagawin ng AFP ang lahat para maprotektahan ang mga mangingisdang nagagawi sa WPS na teritoryo ng Pilipinas.
Matatandaang idineklara ng China ang fishing ban sa WPS mula May 1 hanggang Sept.16. at sinabing simula sa Hunyo 15 ay manghuhuli na sila ng mga dayuhang magagawi sa WPS at ikukulong sa loob ng 60 na araw. (ZIA LUNA)